May pagkakataon na ngayon ang mga high school at estudyanteng nasa hustong gulang na matuto at paghusayin pa ang kanilang kasanayan sa digital para maihanda sila sa mga nagbabagong kasanayan na kinakailangan sa mga mangggagawa.
Ito ay sa pamamagitan ng SkillsBuild platform na programa ng International Business Machines (IBM) Corporation, isang American technological company at service provider sa mga negosyong naghahanap ng digital transformation sa buong mundo.
Ang kolaborasyong ito, ang magli-link sa automated job at applicant matching system ng DOLE, PhilJobNet at sa online program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang SkillsBuild platform upang magbigay ng libreng skills training at micro-credentials sa mga Pilipino, ng sa gayon mas magkaroon sila ng oportunidad sa trabaho sa mga negosyong gumagamit ng digitalization.
Nakatuon sa digital literacy, customer support, data analysis, at iba pang kasanayang na kinakailangan sa digital economy ang kabilang sa mga kurso na maaaring mapakinabangan ng mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Kalihim Bienvenido E. Laguesma ang kahalagahan na maitaas ang kanilang kasanayan upang maihanda ang mga manggagawa sa digital transformation.
Ayon sa kalihim, pinapatunayan ng kolaborasyong ito ang pangako ng DOLE, TESDA, at IBM na mabigyan ang mga indibidwal ng mga kasanayan para sa pagtitiyak ng kanilang pag-unlad sa digital age.
Pinagtibay ang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda ng memorandum of agreement sa pagitan ng IBM, DOLE, at TESDA na ginanap sa DOLE Building sa Intramuros, Manila noong nakaraang taon.
Binigyang-pansin din nina TESDA Secretary Suharto T. Mangudadatu at IBM Philippines President and Country General Manager Maria Elena Judan-Jiao ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagsusulong ng digital skills agenda ng bansa, upang matiyak ang inklusibong pag-unlad ng lakas-mangggagawa.
“Sa pakikipagtulungang ito sa DOLE at TESDA, umaasa kaming mas maraming Pilipino sa buong Pilipinas ang magkakaroon ng access sa teknolohiya at propesyonal na mga kasanayan sa IBM SkillsBuild, at ang suporta na kailangan nila upang mapataas ang kanilang kasanayan para sa kanilang ninanais na propesyon,” ani Judan-Jiao. (LB)