Eddie Garcia Bill, inilampaso ni Leo Martinez; Ruby Ruiz, nasa 77th Cannes

Naku, mukhang naghahalo na ang balat sa tinalupan kaugnay sa pagkakapasa ng Eddie Garcia Bill sa Senado samantalang nag-aalburoto ang mga bituin ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas sa nilalaman ng magiging batas na ito.


Nasa mesa na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos,Jr. ang panukalang batas noon pang ika-24 ng Abril, 2024 at kung pipirmahan ito ng Presidente ay magiging batas na mula sa ika-31 ng Mayo ng taong kasalukuyan.


Kaya bago maging batas, heto na si Leo Martinez at pinupuna ang mga nilalaman ng panukalang-batas.


Maging epektibo kaya si Leo sa kanyang kritisismo laban sa bill at ano ang mga reaksyon ng mga artista at ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon?


Sinabi ni Leo na sobra-sobra ang nakatalagang oras ng paggawa ng mga trabahador sa pelikula at TV.


Ayon kay Martinez sa kanyang vlog kung saan siya ay nakasuot ng katauhan ni Congressman Manhik-Manaog, animnapung oras ang iniaatas ng Eddie Garcia Bill sa mga artista at iba pang manggagawa sa sine at TV.


Sinabi ni Leo na kung pagbabatayan ang kautusan ng Department of Labor and Employment o DOLE at ng iba pang lokal na batas sa paggawa at ang mga kumbensyon sa ibayong-dagat tungkol sa pagtatrabaho sa lahat ng sektor sa bansa, apatnapung oras lamang ang standard na working hours at walong oras na overtime kada linggo.


“Eh, bakit sa Eddie Garcia Bill ay sobra-sobra? Kinampihan nito ang mga networks at mga prodyuser.


“Hindi para sa mga manggagawa ng pelikula at telebisyon ang layunin ng Eddie Garcia Bill.


“Bakit nagkagano’n?” tanong ni Leo, ang dating Director-General ng Film Academy of the Philippines o FAP.


Idinagdag ni Martinez na nawala ang probisyon tungkol sa batas sa paggawa ng mga Senior Citizen stars.


“Bakit nawala ang probisyon na nagsasabing kailangang walong oras lamang ang guguguling oras sa paggawa ng mga Senior stars? Anong nangyari?” tanong pa ni Leo.


Kasi nga’y noong nag-lobby ang mga taga-showbiz sa Senado nito lamang mga unang bahagi ng 2024, dumagsa ang mga bituin, direktor, manunulat, mga tekniko tulad ng kameraman, editor, gapper, utility, production designer, light men at iba para suportahan ang panukalang-batas na iniugit nina Senador Lito Lapid, Robin Padilla at Jinggoy Estrada.


Dumating pa noon ang mag-asawang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera para mag-ambag hindi lamang ng glamor kundi pakikiisa sa kahirapan, pagdurusa at kaapihan ng mga anak-pawis o mga obrero sa showbiz.


Asar na asar si Leo sa kinahinatnan ng pagdinig sa Senado na kanyang dinaluhan noon.


Pati si Carlo Maceda, ang seksing aktor na anak ng pari ay nagwikang moro-moro ang ginawang pagdinig ng Senado sa panukalang-batas.


Galit na rin ang mga tulad nina Joel Saracho at iba pang seryoso sa paggawa sa pelikula at telebisyon sa pagbabago sa Eddie Garcia Bill.


Ano kaya ang mga hakbang ng mga artista na mga trabahador din.

Sayang at wala sa mga sandaling ito si Ruby Ruiz sa Pilipinas samantalang siya ay progresibong aktres at manggagawa sa TV at sinema.

 

Nasa ika-77 taon ng Cannes Film Festival si Ruby dahil siya ay may mga pelikulang kalahok sa prestihiyosong pestibal.

 

Pero bago siya tumulak sa Cannes, France ay nagpaayos muna siya sa Mich and Myl Nails sa Salcedo Village sa Makati City para naman hindi siya pahuhuli sa mga banyagang aktres na dadalo at dumadalo sa international film festival na ito.

 

Kabilang sa mga parukyano ng Mich and Myl Nails bukod kay Ruiz ay sina Melanie Marquez, Donita Rose at iba pa.

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights