NAGHAIN ng panukala si AGRI Party list Rep. Wilbert T. Lee na magsagawa ng inquiry sa naiulat na paglaganap ng mga nakulimbat o nakaw na sibuyas at iba pang posibleng produktong agrikultural na ibinebenta online na nakakasama sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda, at nagdudulot ng banta sa kalusugan ng mga mamimili.
Sa kanyang House Resolution No.1600, binigyang diin ni Lee na “kailangang gumawa ng mapagpasyang aksyon at hakbang mula sa gobyerno upang maprotektahan ang ating mga mamimili gayundin ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at mangingisda sa gitna ng online selling ng nakaw na sibuyas.”
Nauna nang nabanggit ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagkakaroon na ng pagkalugi ang mga magsasaka ng sibuyas sa kasalukuyang presyo ng farmgate na may 28 kada kilo dahil ang gastos sa produksyon ay nakatayo ngayon sa ₱30 bawat kilo.
“May mga nagreklamo na po sa atin na local onion farmers na nalulugi na sila dahil sa mababang farmgate price ng kanilang produkto. Nangangamba sila na lalong hindi mabebenta ang kanilang ani dahil sa nabibiling murang smuggled na sibuyas online,” pahayag ng solon.
Mayroon na rin umanong nagreklamo na nakabili online, at yung dumating sa kanila ay hindi maganda ang kalidad at yung iba ay nabubulok na pero hindi naman nila maisoli.
Iniulat na rin aniya ng DA (Department of Agriculture) na may mga nakumpiska silang smuggled onions noon na may E. coli.
‘Pag smuggled kasi, hindi po ito dumaaan sa phytosanitary tests o mga pagsusuri,” ani Lee.
“Pero hindi po natin masisisi ang mga kababayan natin na bumibili pa rin ng mga produkto kahit may health risk dahil mas nakakamura sila. Yung matitipid nila ay dagdag na ring pambili sa ipa bang pangangailangan o panggastos ‘pag nagkasakit,” dagdag pa ng solon.
Kaya naman hinimok ng Bicolanong mambabatas ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang mapigilan ang pagbebenta ng mga produktong agrikultural na may iligal na pinagkukunan online.
“In coordination with the Bureau of Plant Industry (BPI), kailangan maiging suriin ng gobyerno ang health hazard ng mga ibinebentang sibuyas online sa pagsasagawa ng phytosanitary tests, at magbigay ng kaukulang babala sa publiko lalo na kung hindi ito ligtas kainin,” pagbibigay-diin ni Lee.
Sa gitna ng laganap pa ring malawakang agricultural smuggling sa bansa, binigyang diin ni Lee ang pangangailangan ng agarang pagpasa ng kanyang panukalang batas na mag aamyenda sa Republic Act No.10845 o ang “Anti Agricultural Smuggling Act of 2016” upang magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga agricultural smugglers, hoarders, price manipulators, cartel at mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nakikibahagi sa krimen na ito na itinuturing na economic sabotage.
“Kailangan na pong agarang maipasa ang mas mahigpit na batas para puksain ang salot na agri smuggling na dahilan ng pagkalugi ng ating mga magsasaka, at dagdagan ang suporta ng gobyerno para sa local producers mula sa pagtatanim hanggang pagbebenta ng ani, para mahikayat silang pataasin ang kanilang produksyon, na sa huli ay magpapababa din naman sa presyo ng kanilang produkto,” paliwanag pa niya.
“Winner Tayo Lahat kapag naprotektahan ang kabuhayan at kalusugan ng ating mga local producers at consumers. Sa hirap ng buhay, mapapagaan natin ang pasanin ng Pilipino kung may tiyak na trabaho, dagdag na kita, abot-kaya at masustansyang pagkain, at kung mababawasan ang pangamba nila na wala silang panggastos ‘pag nagkasakit,” he added. (LB)