HINDI ikinatutuwa ng malalaking grupo ng mga tagahanga nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang intrigang diumano’y palihim na nagkikita sina Daniel at ang controversial star na si Andrea Brillantes.
Nagagalit na ang mga supporters ng Kathniel sa numero unong pinagmulan ng intriga, mula sa vlog ng komedyante, reporter at dating fan magazine editor na si Ogie Diaz.
Mayroong fan page na bida ang pangalan ni Daniel. Doon ay pinagmumumura at nilalait si Ogie. Na siyempre pa, iyon ay reaksiyon lang at mga pagtatanggol para protektahan ang loveteam nina Kathryn at Daniel.
Iyon siyempre ay gamit lang ng fan page ang pangalan ni Daniel. Pero hindi manggagaling sa bibig ng guwapong aktor na murahin si Ogie Diaz.
Mabait na tao si Daniel. Kung harap-harapan ay mapapag-usapan nila ng maayos ang isyu.
Naiintindihan sa showbiz ang damdamin ng mga fans nina Kathryn at Daniel. Pinatutunayan lang nila ang kanilang pagmamahal sa box-office loveteam.
Pero sa totoo lang, unang pagputok ng intriga ay wala namang sinasabi si Ogie na kumpirmado ang tsismis na palihim na nagkikita sina Daniel at Andrea, kundi usok pa lang ng bulung-bulungan. Nasa pahayag nga ni Ogie, na sana ay hindi totoo. Dahil sayang naman ang halos 12 years nilang relasyon.
Sina Kathryn at Daniel din ang puwedeng magpalubag ng galit ng kanilang mga fans. Magdenay sila kung hindi totoo ang chismis na hiwalay na nga sila sa relasyon. Tuldukan nila ang isyu, para matapos ang intriga.
–o(O)o–
KC CONCEPCION, SOBRANG NAPASAYA NG KANYANG DADDY
SOBRANG napasaya ni Gabby Concepcion ang panganay niyang anak na si KC Concepcion sa ginawa niyang pagsang-ayon na magkasama sila ng kanyang ex-wife na si Sharon Cuneta sa “Dear Heart” Concert noong October 27 sa MOA Arena na naging isang malaking tagumpay.
Handog talaga ni Gabby ang concert na iyon kay KC, dahil sa nararamdaman niya dating kakaibang lungkot noon ng magandang aktres. Noon ay nag-iisip din siya kung anong dahilan ang puwede niyang gawin para mapasaya ang anak nila ng Megastar.
Nasaksihan ni Gabby kung gaano naging masaya talaga si KC nitong mga huling araw pagkatapos ng nasabing concert.
Lumipas at kumupas din bigla ang dati’y parang hindi maipaliwanag na tampuhang namamagitan sa mag-inang Sharon at KC.
Busy ngayon si Gabby sa teleseryeng “Stolen Life” ng GMA-7 kasama sina Carla Abellana, Beauty Gonzales at Celia Rodriguez.
Pero sa kabila ng kaabalahan ni Gabby ay sobrang happy din siya na nai-celebrate ang katatapos niyang birthday na sobrang maaliwalas ang lahat. Matagumpay ang katatapos na concert. Busy siya sa career at alam niyang may kakaibang saya ngayon si KC.
Dahil sa tagumpay ng “Dear Heart” Concert, hiling ng kanilang mga fans na sana naman ay matuloy na rin ang matagal nang plano na muling pagtambalin sa movie sina Sharon at Gabby, at isama na rin si KC para buo ulit silang pamilya kahit hanggang sa pelikula na lang. Doon man lang daw.
–o(O)o–
GOVERNOR DANIEL FERNANDO, MAHAL PA RIN ANG MOVIE INDUSTRY
ISA si Bulacan Governor Daniel Fernando sa hanay ng mga artistang napunta sa larangan ng pulitika, kaya sa maraming pagkakataon ay umaasam na lang siya na muling makagawa ng pelikula o teleserye.
Si Gov. Daniel ay kinilalang mahusay na aktor sa showbiz bago naging mayagumpay na Public Servant. Nagkamit na siya ng mga karangalan bilang mahusay na aktor mula sa piling mga pelikula na kanyang ginawa noon.
Naging paborito din si Gov. Daniel na isama ni yumaong Director Lino Brocka sa kanyang mga pelikula noon bago pumanaw ang sikat na movie director na ginawaran din ng mataas na parangal bilang National Artist.
Bilang mahusay na aktor ay wala nang dapat pang patunayan si Gov. Daniel sa showbiz. Pero dahil mahal niya ang movie industry, ay hindi nawawala sa plano niya noon na marami pa siyang gusto sanang gawin.
Bukod sa pag-arte, bago siya napunta sa pulitika ay nasa mga plano rin ni Gov. Daniel na subukan at mag-aral ng pagdidirek sa pelikula. Na hindi na niya nagawa.
Ipinagpapasalamat ni Gov. Daniel na bago siya naging public servant ay nagtagal din siya bilang artista.
Nasa puso na noon ni Gov. Daniel na makapaglingkod sa publiko. Pero hindi niya inaasahan ang malayong tagumpay na narating niya ngayon bilang pulitiko.
Saan man siya makarating sa tagumpay niya ngayon ay hindi nawawala sa puso ni Gov. Daniel ang pagmamahal sa movie industry. Minsan, kahit saglit lang, isang panahon ay babalikan niya ang pag-arte sa harap ng kamera.