Pinalalawak ng administrasyong Marcos ang programa para sa libreng higher education sa bansa na kasalukuyang nakikinabang sa tinatayang 2.62 milyong estudyante, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).
Sa kanyang talumpati sa ika-58 Commencement Exercises ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa Plenary Hall ng Philippine International Convention Center (PICC) nitong Huwebes, Agosto 27, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi lamang makapasok sa kolehiyo ang mga kabataan kundi mabigyan din sila ng sapat na suporta upang matapos ang kanilang pag-aaral.
“But access to education must mean more than entering a university. It must mean providing the students, regardless of circumstance, with the support needed to complete their education and realize the promise that a college degree can bring,” ani Marcos.
Ang UAQTEA o Republic Act No. 10931 ay naglalaan ng libreng tuition at iba pang school fees sa mga pampublikong higher education institutions at state-run technical-vocational institutions, bukod sa pagbibigay ng financial assistance sa mga kwalipikadong estudyante.
Ayon sa Pangulo, patuloy ding ipinatutupad ng pamahalaan ang iba’t ibang scholarship at financial assistance programs, kabilang ang Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program.
Inilunsad din ng pamahalaan ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program para sa mga natatanging senior high school graduates na kukuha ng mga priority degree program.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na patuloy ding pinalalakas ang technical-vocational education and training (TVET) bilang mahalagang alternatibong landas tungo sa trabaho at kabuhayan.
Sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sinabi ng Pangulo na sinisikap ng pamahalaan na mabigyan ang mga kabataan ng pagkakataong piliin ang landas na angkop sa kanilang kakayahan at pangarap—maging ito man ay college degree o technical-vocational training.
“Every Filipino who completes higher education or technical-vocational training represents far more than a diploma or certificate earned,” ani Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pagkumpleto ng higher education o technical-vocational training ay nagbibigay sa isang tao ng mas malaking pagkakataong magtagumpay, nakatutulong upang maiangat ang kalagayan ng pamilya at naghahanda sa mga manggagawa para sa mas maraming oportunidad.
“Ito ang tunay na bunga ng edukasyong mas abot-kamay, de-kalidad, at nagbibigay sa bawat Pilipino ng pagkakataong makamit ang mas magandang kinabukasan,” ani Marcos.
Samantala, ipinagkaloob ng PLM kay Marcos ang Doctor of Laws, Honoris Causa, ang pinakamataas na honorary degree ng unibersidad, bilang bahagi ng 58th Commencement Exercises nito sa PICC.
Sa kanyang mensahe sa mga nagsipagtapos, hinimok ng Pangulo ang mga bagong graduate na gamitin ang kanilang kaalaman at karunungan para sa kapakinabangan ng mas nakararami at sa pag-unlad ng bansa.
“May your learning be guided by wisdom, your success measured by the lives you uplift, and your achievements dedicated to the progress of our nation.”
Hiniling din ni Marcos sa mga graduate na manatiling tapat sa mga pagpapahalagang itinuro ng kanilang unibersidad at gamitin ang kanilang natutuhan upang makatulong sa pagbuo ng mas matatag, maunlad at makataong Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, sa maraming henerasyon ay naging daan ang PLM upang mabuksan ang oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na ang mga pangarap ay hindi dapat nalilimitahan ng kanilang kalagayan sa buhay.
Gayunman, sinabi ni Marcos na hindi pa pantay ang access ng lahat ng pamilyang Pilipino sa tertiary education at training.
Dahil dito, patuloy umanong pinalalawak ng pamahalaan ang mga oportunidad sa higher education at mga programang nagbibigay ng tulong pinansyal upang mas maraming estudyante, partikular mula sa disadvantaged at vulnerable sectors, ang makinabang sa libreng edukasyon at technical-vocational training.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at iba pang opisyal ng pamahalaan. (LB)
