Hindi Lumilikha ng Soberanya ang Puwersa — opisyal
Muling nagiging sentro ng usapin sa soberanya at seguridad sa West Philippine Sea ang Mischief Reef, na ayon sa pagsusuri ng Aninag Intel ay nagpapakita kung paano maaaring mabago ang realidad sa karagatan habang nananatiling nakatuon ang mga bansa sa diplomasya at negosasyon.
Para sa Pilipinas, hindi lamang ito usapin ng estratehiya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kundi direktang nakaugnay sa soberanya, karapatan ng mga mangingisda at pagsunod sa internasyonal na batas.
Noong 1995, nagtayo ang Tsina ng mga istruktura sa Mischief Reef, na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Noong una, inilarawan ang mga ito bilang mga silungan para sa mga mangingisda. Sa paglipas ng panahon, lumawak ang konstruksyon hanggang maging malawak na pasilidad na may mga imprastrakturang ginagamit para sa mga operasyong militar.
Noong 2015, sinabi ni Chinese President Xi Jinping na hindi layunin ng Tsina na militarisahin ang Spratly Islands. Gayunman, ang sumunod na pagtatayo ng mga pasilidad at pagpapaunlad sa mga inaangking lugar ay nagdulot ng mga pangamba hinggil sa militarisasyon sa rehiyon.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, hindi nababago ng paggamit ng puwersa ang mga legal na karapatan ng isang bansa.
“Maaaring gumamit ng puwersa ang Tsina, ngunit hindi nito mababago ang batas.”
Batay sa 2016 South China Sea Arbitral Award, kinilala ang Mischief Reef bilang isang low-tide elevation na nasa loob ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas at hindi maaaring ariin bilang teritoryo.
Napagpasyahan din ng tribunal na ang pagtatayo ng Tsina sa bahura nang walang pahintulot ng Pilipinas ay lumabag sa mga karapatan ng bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Bagama’t pinal at may bisa ang arbitral award, nagpapatuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, kabilang ang mga insidente na kinasasangkutan ng Chinese coast guard at maritime militia at mga barko at mangingisdang Pilipino.
Itinuturing ng mga eksperto ang ganitong uri ng panggigipit bilang bahagi ng tinatawag na gray-zone coercion—mga hakbang na naglalayong baguhin ang status quo nang hindi umaabot sa hayagang armadong tunggalian.
Giit ni Goitia, hindi dapat maging normal ang ganitong sitwasyon at hindi dapat mawalan ng karapatan ang mga Pilipinong mangingisda sa sarili nilang karagatan dahil lamang sa mas malalaki o mas armadong barko ng ibang bansa.
“Hindi lumilikha ng soberanya ang puwersa,” ani Goitia.
Anuman ang lawak ng imprastrakturang maitayo o dami ng barkong maipadala sa naturang lugar, hindi nito awtomatikong nababago ang mga legal na karapatan na kinikilala sa ilalim ng internasyonal na batas.
Para sa Pilipinas, hindi nangangahulugan ang pagtatanggol sa mga karapatan sa karagatan ng paghahanap ng digmaan. Sa halip, nakatuon ito sa proteksyon sa mga mangingisda, pagtatanggol sa maritime rights ng bansa at pagsusulong ng pagsunod sa internasyonal na batas.
Maaari umanong ipagpatuloy ng Pilipinas ang diplomasya at pakikipagdayalogo para sa kapayapaan habang pinangangalagaan ang mga karapatan nito.
Para naman sa ASEAN, nagsisilbing paalala ang karanasan sa Mischief Reef na hindi dapat maging dahilan ang patuloy na diplomasya upang maging normal ang anumang uri ng pamimilit o unilateral na pagbabago sa status quo sa South China Sea.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA at MBA. (BONG SON)
