PBBM: Pagtutulungan ng Ahensya, Susi sa Mas Mataas na Produksyon at Kita ng Egg Producers

Ipinakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at mga kooperatiba upang mapalakas ang produksyon, mapababa ang nasasayang na pagkain at madagdagan ang kita ng mga producer.

Sa kanyang pagbisita sa Batangas Egg Producers Cooperative (BEPCO) sa San Jose, Batangas nitong Agosto 27, sinabi ni Marcos na magandang halimbawa ang kooperatiba sa mga positibong resulta ng pagkakaisa ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at mga producer.

Ayon sa Pangulo, tumulong ang Department of Science and Technology (DOST) sa research and development upang makalikha ng mga teknolohiya at proseso para sa mas mahusay na pagproseso at pag-iimbak ng mga itlog.

Sa pamamagitan umano ng mga bagong proseso, nagagamit pa ang mga itlog kahit mababa ang demand o kakaunti ang bumibili. Maaari itong iproseso at itago nang ilang linggo, habang ang ilang produktong frozen ay maaaring tumagal nang hanggang isang taon.

Ibinahagi rin ni Marcos na kumuha siya ng sample ng produktong itlog mula sa BEPCO upang personal na matikman at masubukan.

Samantala, sinabi ng Pangulo na tumulong naman ang Department of Agriculture (DA) sa pagkuha ng mga makinarya at pagtatatag ng sistema para sa pagkolekta at pagproseso ng mga itlog.

Patuloy namang imo-monitor ng DOST ang mga produktong ginagawa sa BEPCO upang matiyak na nakatutugon ang mga ito sa itinakdang pamantayan, lalo na dahil maaari ring i-export ang mga produkto.

Binigyang-diin ni Marcos na mahalaga ang mahigpit na quality at food safety standards dahil pagkain ang mga produktong ginagawa ng kooperatiba.

Kapansin-pansin din umano sa operasyon ng BEPCO ang pagsisikap na walang masayang o natatapon na produkto.

Ayon sa Pangulo, maituturing itong halimbawa ng tinatawag na “circular business,” kung saan ginagamit at pinoproseso ang mga produkto sa paraang nababawasan ang basura habang nadaragdagan ang kanilang halaga.

“Walang tinatapon,” ani Marcos, kasabay ng pagbibigay-diin na bukod sa benepisyo nito sa kapaligiran, nakatutulong din ang value-added processing upang mas tumaas ang halaga ng produkto.

Ipinaliwanag ng Pangulo na sa halip na itlog lamang ang ibenta, maaaring gumawa ng iba’t ibang produktong mula rito upang ang karagdagang halaga ay manatili sa mga producer.

Bahagi rin umano ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na bawasan ang pag-asa sa mga middleman at mas mapalapit ang mga magsasaka at producer sa merkado.

“Lahat ng value added sa itlog ay hindi na ‘yung itlog lang ang pinagbibili kung hindi ang mga iba’t ibang produkto, ‘yung value added naiiwan dito,” ani Marcos.

Binigyang-diin din ng Pangulo na mas magiging maganda ang resulta kapag nagtutulungan ang national government, local government units, mga kooperatiba at mga producer.

Samantala, sinabi ni Marcos na nagsisimula pa lamang ang programa sa BEPCO at kabilang pa ito sa mga pilot initiative.

Nakatakda ring i-install ang mga bagong makinarya na inaasahang magpapalawak pa sa kapasidad at production ng kooperatiba. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights