Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamahalaan at mamamayan ng Colombia kasunod ng malakas na lindol na magnitude 7.4 na tumama sa bansa noong Agosto 10.
Sa isang social media post, nagpahayag si Marcos ng pakikiisa ng Pilipinas sa Colombia habang patuloy itong humaharap sa pinsalang dulot ng lindol na iniulat na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 132 katao.
“The Philippines conveys our heartfelt condolences to the Government and people of Colombia for the lives lost and the devastation caused by the powerful 7.4-magnitude earthquake,” pahayag ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Marcos na bilang isang bansa na kabilang sa Pacific Ring of Fire, nauunawaan ng mga Pilipino ang sakit at mga hamong dulot ng malalakas na lindol.
“We stand in solidarity with Colombia as they rise through this ordeal, rebuild livelihoods and communities, and recover completely. Our thoughts are with all those affected,” dagdag niya.
Dahil sa malawakang pinsala, nagdeklara ang Colombia ng state of emergency at isinagawa ang mga operasyon para sa search, rescue at recovery.
Tumama ang magnitude 7.4 na lindol alas-7:34 ng umaga, lokal na oras, na ang epicenter ay malapit sa San José del Palmar sa kanlurang bahagi ng Colombia, humigit-kumulang 280 kilometro sa kanluran ng kabisera nitong Bogotá.
Nagresulta ang lindol sa malawakang pinsala sa ilang lugar at nag-udyok sa agarang pagtugon ng mga awtoridad. / (LB)
