Marcos: Gobyerno kumikilos para pababain presyo ng gulay, tiyakin suplay sa gitna ng oil price hike

Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Benguet Agri-Pinoy Trading Center nitong Biyernes, Abril 17, upang tutukan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng diesel sa distribusyon at presyo ng gulay mula sa Cordillera.

Ayon sa Pangulo, nagulat ang pamahalaan sa ulat na hindi na naibababa ang ilang gulay mula sa mga bulubunduking lugar dahil sa mataas na gastos sa krudo, na nagdudulot ng pagkaantala sa suplay at pagtaas ng presyo sa merkado.

Bilang tugon, inilatag ng gobyerno ang ilang agarang hakbang, kabilang ang ₱10 na bawas sa presyo ng diesel, pansamantalang pag-waive ng mga singil ng lokal na pamahalaan, at pagtanggal ng toll fees para sa mga truck na bumibiyahe pababa ng mga produkto.

“‘Yung mga truck na bumababa, hindi na muna sila magbabayad ng toll fee habang inaayos natin ang problemang dulot ng pagtaas ng presyo ng langis,” paliwanag ni Marcos.

Dagdag pa niya, isinama rin sa TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga driver na apektado upang mabigyan ng pansamantalang kabuhayan.

Binanggit ng Pangulo na layunin ng mga hakbang na matiyak ang tuloy-tuloy na food supply, maibsan ang pasanin ng mga magsasaka, trader, at transporter, at mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng pagkain sa merkado.

Sinabi rin ni Marcos na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga vendor at stakeholder sa trading center upang makakuha ng suhestiyon at mas mapahusay pa ang mga ipinatutupad na solusyon.

Patuloy aniya ang pagmo-monitor ng gobyerno sa sitwasyon upang matiyak na mararamdaman ng publiko ang tulong sa gitna ng krisis na dulot ng tumataas na presyo ng langis, na inuugnay sa tensyon sa Gitnang Silangan. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights