Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 121 na lumilikha sa Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program, isang hakbang na naglalayong palakasin ang lokal na paggawa ng electric vehicles (EVs) at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa industriya ng sasakyan sa bansa.
Nilagdaan ang kautusan noong Hulyo 29 at inanunsyo ng Malacañang nitong Hulyo 30. Sa ilalim ng EO, magkakaloob ang pamahalaan ng mga fiscal incentive para sa lokal na pagmamanupaktura ng hybrid at battery electric passenger cars, commercial vehicles, gayundin ng kanilang mga piyesa at bahagi.
Layunin ng EVIS Program na mapalawak ang produksyon ng electric vehicles sa Pilipinas, makalikha ng dekalidad na trabaho, mabawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuels, at maipuwesto ang Pilipinas bilang isa sa mga sentro ng automotive manufacturing sa rehiyon.
Ayon sa EO, ang programa ay magbibigay ng “time-bound, targeted, performance-based, and transparent fiscal support” upang mahikayat ang mga estratehikong pamumuhunan sa lokal na pagmamanupaktura ng electric vehicles.
Sa ilalim ng programa, maaaring magparehistro ang mga kwalipikadong manufacturer ng hanggang dalawang EV model at makatanggap ng dalawang uri ng insentibo—ang Fixed Investment Support (FIS) para sa pagtatayo o pagpapalawak ng manufacturing facilities, at ang Production Volume Incentives (PVI) upang hikayatin ang mas mataas na lokal na produksyon.
Sa halip na cash grants, ang mga kwalipikadong kalahok ay bibigyan ng Tax Payment Certificates na maaaring gamitin sa pagbabayad ng ilang national taxes at import duties.
Upang maging kuwalipikado, kinakailangang magsagawa ang mga kumpanya ng bagong pamumuhunan, maglaan ng hindi bababa sa ₱5 bilyon na kapital, maabot ang itinakdang production targets, at maipakilala ang kanilang lokal na ginawang EV models sa loob ng tatlong taon mula sa kanilang pagpaparehistro.
May nakalaang hanggang ₱60 bilyon na insentibo para sa EVIS Program, kung saan hanggang ₱15 bilyon ang maaaring matanggap ng bawat rehistradong EV model, depende sa taunang paglalaan ng pondo ng pamahalaan.
Nakasaad din sa EO ang regular na pagmamanman sa mga rehistradong kumpanya upang matiyak na natutupad nila ang kanilang mga investment commitment at production targets.
Pangungunahan ng Board of Investments (BOI) ang pagpapatupad ng EVIS Program sa pakikipagtulungan ng isang inter-agency committee na binubuo ng Department of Finance (DOF), Department of Energy (DOE), Department of Transportation (DOTr), at Department of Budget and Management (DBM). LB
