Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na halos 2,000 lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong bansa ang nakinabang na sa Local Government Support Fund (LGSF), bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na maihatid ang tulong sa mga komunidad.
Sa isinagawang “Bawat Bayan Makikinabang: Tarlac” sa Tarlac City Civic Center nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na umabot na sa 1,276 LGUs ang nabigyan ng suporta mula sa LGSF, kabilang ang pagpapatupad ng Rice Program.
“Kaya’t sa mga dalawang libo, halos dalawang libo ang LGU natin sa buong bansa, nakapagbigay na tayo ng 1,276 na LGU, ng LGSF, ng tulong ng LGSF. Kasama na rin diyan yung Rice Program na ating ginawa,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang programang “Bawat Bayan Makikinabang”, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng pagmahal ng langis bunsod ng sigalot sa Middle East.
“Siyempre, sumasama diyan yung presyo ng pagkain. Eh kaya po aming naisip gawin ito, hindi lang dahil doon, eh dati pa, bago pa nagkagiyera, mayroon na tayong ganitong programa,” aniya.
Layunin ng programa na mapabilis ang paghahatid ng suporta sa mga lokal na pamahalaan, pamamahagi ng bigas sa mga pamilyang nangangailangan, at pagbibigay ng tulong sa edukasyon.
Kabilang sa mga makatatanggap ng tig-10 kilong bigas ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga benepisyaryo ng 4Ps, mahihirap na pamilya, magsasaka, mangingisda, minimum wage earners, at mga tsuper.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos na sapat ang pondo ng pamahalaan upang maipagpatuloy ang LGSF.
Bukod dito, ipinaliwanag ng Pangulo ang pagpapatupad ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) na pinopondohan ng Office of the President. Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay tatanggap ng ₱200,000, kung saan ₱100,000 ay ilalaan para sa scholarship ng mga estudyante at ang natitirang ₱100,000 ay gagamitin sa pagbili ng kagamitan, suplay, at pagkukumpuni ng mga pasilidad ng barangay.
Hinimok ng Pangulo ang mga opisyal ng barangay na tiyaking mapupunta ang pondo sa mga tunay na nangangailangan.
“So bawat barangay, mamili sila ng lima na magiging presidential scholar. So, sa bawat barangay, may limang presidential scholars. Paghahatian ‘yung 100,000 na bawat isa ay makakatanggap ng P20,000. ‘Yun po yung binigay kong cheque sa… iyon ‘yung ABC at ‘yun po ang aming tulong para sa ating mga kabataan para sila’y makapagtapos,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, dapat unahing mapili ang mga estudyanteng malapit nang makatapos ngunit nanganganib na huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa pananalapi.
“Ang payo lang namin sa ating mga barangay officials, mamili kayo ‘yung malapit nang magtapos at baka hindi makapagtapos dahil kakulangan sa pagbabayad, kailangan magtrabaho. Kung anuman ang nagiging problema ay itong P20,000 ay makakatulong sa kanila,” aniya.
Binigyang-diin din ng Pangulo na nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ang edukasyon sa nakalipas, kasalukuyan, at susunod na pambansang badyet.
“At mahalaga ito dahil kung titingnan po ninyo, ang budget nitong administrasyon nito noong nakaraang taon—itong taon saka sa susunod na taon, talagang pinaka-priority ang edukasyon. Dahil sa aking palagay, ‘yan ang pinakamahalaga na serbisyo na maibibigay natin sa taong-bayan,” ani Marcos.
“Siyempre ang kabataan, ‘yan ang kinabukasan natin. Kaya’t para maging maganda ang kinabukasan ng Pilipinas, kailangan maganda ang naging edukasyon ng ating mga kabataan,” dagdag pa ng Pangulo. LB
