PH, Canada nagtulungan para sa mga manggagawa, child labor

TUMANGGAP ng malaking suporta mula sa gobyerno ng Pilipinas at Canada, ang mga pagsisikap na protektahan ang mga manggagawang Pilipino at wakasan ang child labor, kung saan inilunsad ang isang bagong proyekto noong Agosto 6 sa Quezon City.

Tinawag na “Strengthening Freedom of Association and Action against Child Labor in the Philippines” tatakbo mula 2024 hanggang 2029, na may layuning palakasin ang kalayaan ng mga manggagawa na mag-organisa at labanan ang child labor sa bansa.

Ipatutupad ang limang taong proyekto ng International Labour Organization (ILO) at pinondohan ng Employment and Social Development Canada (ESDC).

Kabilang sa mga piling katuwang sa proyekto ang Bureau of Labor Relations (BLR) at ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ng Kagawaran ng Paggawa (DOLE). 

Ito ang mga ahensyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga bahagi ng proyekto tungkol sa kalayaan sa pag-oorganisa at laban sa child labor.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang kasiyahan sa pagkakaroon ng suporta mula sa mga katuwang sa lipunan para matiyak ang napapanatiling pag-unlad na walang maiiwan.

“Umaasa kami na ang mga inisyatiba sa proyektong ito ay magbibigay ng malaking ambag sa aming pagsisikap na suportahan ang Philippine Program Against Child Labor (PPACL) at matupad ang mga layunin ng Freedom of Association (FOA) roadmap,” ani Laguesma.

Ang pagtutok sa kalayaan sa pag-oorganisa ay bunga ng mga rekomendasyon ng ILO High-Level Tripartite Mission sa Pilipinas noong 2023. 

Makatutulong ang mga inisyatiba ng proyekto na mapabuti ang kalayaan at karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa.

Layunin din ng bagong proyekto na tumulong sa pagbangon ng PPACL mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, na nagpabagal sa pag-unlad ng pagbawas sa child labor.

Ipinahayag ni Laguesma ang kanyang pag-asa na magiging mahalagang hakbang ang paglulunsad ng proyekto sa karagdagang pagtataguyod ng mga karapatan sa paggawa at pag-aalis ng child labor sa bansa.

“Hangad ko na ang pormal na paglulunsad ng proyekto ay maging unang malaking hakbang tungo sa pagkamit ng isang Pilipinas na walang child labor kung saan ang FOA ay iginagalang at maingat na pinangangalagaan para sa kapakinabangan ng mga manggagawa at ng buong bansa,” ayon kay Laguesma.

Kasama ni Laguesma sa paglulunsad ng proyekto sina Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez ng Workers’ Welfare and Protection Cluster at Assistant Secretary Lennard Constantine C. Serrano ng Labor Relations, Policy, International Affairs, at Regional Operations Cluster.

Nakiisa rin sa okasyon ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, mga organisasyon ng manggagawa at employer, pribadong sektor, akademya, civil society organizations, at mga development partners.” (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights