Sa gitna ng banta ng Bagyong Inday, binigyang diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng buong taong kahandaan sa anumang kalamidad.
Sa isang Facebook livestream nitong July 9, ipinasilip ni Cayetano sa kanyang viewers ang pagpupulong ng mga opisyal ng Taguig City para i-coordinate ang magiging tugon ng lungsod sakaling tumama ang bagyo sa lugar. Pero diin ng Taguigeño senator, ang pagpupulong ay bahagi lamang ng “year-round” na pagtatrabaho ng lokal na pamahalaan para matiyak ang kahandaan ng lungsod sa anumang sakuna at mabawasan ang mga panganib.
“Ito ay emergency meeting para sa preparation sa landfall. But the message is not that we’re preparing, but that we’re prepared,” sabi ni Cayetano. “Iba ang paghahanda, iba ang handa na.”
Ayon kay Cayetano, na kabiyak ni Taguig Mayor Lani Cayetano, komprehensibo at buong-taon ang approach ng lungsod sa disaster management. Kabilang dito ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pag-check sa kaligtasan ng mga bubong, mahigpit na pagpapatupad ng building at land-use regulations, at pagbibigay-babala laban sa illegal electrical connections na maaaring magdulot ng sunog.
Dagdag ng senador, hindi lang mahusay na pamumuno ang susi sa maayos na disaster management kundi ang pakikiisa ng publiko.
“I want to thank y’ung constituents natin kasi kahit anong galing ng leader, kung y’ung constituents, kung y’ung mga taumbayan hindi nagko-cooperate, wala rin mangyayari,” wika niya.
Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang mas maigting at komprehensibong pagtugon ng bansa sa mga sakuna. Sa 20th Congress, inihain niya bilang isa sa kanyang priority measures ang Senate Bill No. 105, o ang proposed Emergency Response Department Act, para lumikha ng dedicated department na buong-taong magpaplano, tutugon, at tutulong sa mga komunidad na makabangon mula sa mga kalamidad.
Una niyang inihain ang kaparehong panukala noong 2013 matapos ang Super Typhoon Yolanda, at mula noon ay tuloy-tuloy na niyang inihahain ang panukala.
“Kailangan pagdating sa pagmi-mitigate ng mga disasters at saka pagdating sa rehabilitation, may isang natuturo, may isang accountable, at isang nakatutok talaga d’yan,” nauna nang sinabi ni Cayetano.
Gayunman, pinasalamatan ni Cayetano ang dedikasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang disaster responders sa Taguig at sa buong bansa.
“Let me honor not only the NDRRMC, but every single group that has been meeting, not only today, but others over the weekend, depending on the area, especially in the north,” ani Cayetano.
Hinimok din niya ang publiko na ipagdasal ang kaligtasan hindi lamang ng mga pamilyang maaaring maapektuhan ng bagyo, kundi pati ng mga responder.
“Pray for safety for everyone. Pati po y’ung mga emergency responders, barangay, konsehal nawawalan din ng bahay. Ang hirap mag-respond kung y’ung mismong nag-respond ay problemado din,” aniya.
Nanawagan din siya ng panalangin para sa pambansang pagbabago, lalo’t ang mga pagbaha ay dulot aniya ng pang-aabuso sa kalikasan at ng kawalan ng maayos na flood control.
“Kung ano ang itatanim, ‘yan din ang aanihin. So kung may massive urbanization, kung saan-saan nagtatambak, reclamation, mga estero, mga riverbeds, tapos mayroon pang graft and corruption sa ghost flood projects, [babaha talaga],” ani Cayetano.
“Pray that there’s a real change, repentance, renewal, reformation in our country,” dagdag niya. (NINO ACLAN)
