Habang binabalak ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng solar power sa mga pampublikong paaralan sa 2027, binigyang diin naman ng isang solon na may P1.295 bilyon na nakalaan sa ilalim ng 2026 national budget para sa electrification o pagpapakabit ng kuryente sa mga DepEd schools.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, ang naturang pondo ay bahagi ng pondo ng National Rural Electrification Program ng National Electrification Administration (NEA), kung saan nakatanggap ng kabuuang P9.1 bilyon ngayong taon ang naturang programa.
Nakasaad sa isang special provision ng NEA budget na eksklusibong gagamitin ang pondo para sa electrification ng mga paaralang wala pang kuryente o off-grid schools.
Saklaw din ng naturang pondo ang modernisasyon at upgrading ng mga electrical systems ng mga on-grid schools, kabilang ang pag-upgrade sa mga electrical power systems ng mga kasalukuyang school buildings, pagbili at installation ng mga transformers, at pag-install ng solar power systems.
Mandato rin sa NEA na bigyang prayoridad ang paggamit ng solar energy sources sa pagkabit ng kuryente sa mga off-grid at on-grid public schools.
“Titiyakin din nating gagamit tayo ng epektibong teknolohiya hanggang magkaroon ng ilaw ang bawat paaralan sa bansa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Sa ilalim ng National Education Plan na isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), target na malagyan ng kuryente ang 3,358 na mga un-energized schools sa 2028. (LB)
