Pinangunahan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Y. Rubio kasama si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., sa pag-inspeksyon ng 21 40-footer container van ng frozen mackerel mula China, sa Manila International Container Port (MICP), na nakumpiska dahil sa kawalan ng kaukulang import clearance.
Ang mga naturang kargamento na tinatayang nagkakahalaga ng PhP178.5 milyon, ay nasabat sa matagumpay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC at ng Manila International Container Port, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng tip noong Oktubre 16, 2024, na ang nasabing mga kargamento ay walang kaukulang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa BFAR.
Upang mapatunayan ang impormasyong ito, nakipag-ugnayan ang CIIS-MICP Field Station sa ilalim ng liderato ni Spy Officer Alvin Enciso sa BFAR upang tiyakin ang mga kinakailangan sa pag-import ng frozen mackerel, partikular na inaalam kung ang consignee ay nakakuha ng kinakailangang SPSIC para sa naturang 21 container.
Dito na nga kinumpirma ng Fisheries Certification Section ng BFAR na walang tala ng aplikasyon para sa mackerel mula sa consignee na sumasaklaw sa panahon mula Agosto 30 hanggang Setyembre 16, 2024.
Dagdag pa rito, ang anumang ganitong aplikasyon ay tatanggihan alinsunod sa Department of Agriculture Memorandum Order No. 14, series of 2024, na nagpatigil sa pag-isyu ng SPSIC para sa pag-import ng round scad, mackerel, at bonito.
“Ang kawalan ng kinakailangang SPSIC ay nagdudulot ng seryosong panganib sa ating lokal na agrikultura at pangisdaan, pati na rin sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili,” giit ni Commissioner Rubio.
Mahalaga aniya na lahat ng inangkat na produktong agrikultural ay sumusunod sa mga itinatag na pamantayan ng kaligtasan at kalidad.
“Ang pagkakasabat na ito ay nagsisilbing paalala na ang BOC ay nananatiling mapagbantay sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa pag-import. Ayon pa kay Commissioner and Bureau of Customs ay nakatuon sa pagsasanggalang ng ating lokal na industriya at sa pagsiguro na tanging mga ligtas at sumusunod na produkto lamang ang papasok sa merkado,” dagdag naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy.
Ang MICP, sa pangunguna ni District Collector Rizalino Jose C. Torralba, ay maglalabas ng Warrants of Seizure and Detention laban sa mga nasabing kargamento dahil sa paglabag sa mga Seksyon 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng DA Memorandum Order No. 14.
Pinapurihan ni Commissioner Rubio si IG Deputy Commissioner Uy at MICP District Collector Torralba at Intelligence Officer Alvin Enciso para sa kanilang pamumuno at dedikasyon sa pagprotekta sa mga yamang agrikultural at sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga produktong pumapasok sa merkado.
Dagdag pa rito, nagpasalamat ang Customs Commissioner kay DA Secretary Laurel sa kanyang masigasig na pakikipagtulungan sa BOC upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon sa pag-import.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng mahalagang papel ng inter-agency cooperation sa ating pagsisikap laban sa smuggling at ilegal na pag-import. Ipinapakita nito ang ating sama-samang layunin na protektahan ang seguridad ng pagkain at suportahan ang ating lokal na mga magsasaka at mangingisda,” ani Rubio.
Samantala sa ibang kaganapan sa Bureau of Customs, pinatunayan ni District Collector Alex Alviar na tama ang pagkaka promote sa kanya ni President Bong Bong Marcos bilang Collector VI ng Bureau of Customs at kalaunan ay itinalaga ni Commissioner Rubio bilang bagong District Collector ng POM nang pangunahan nya ang Port of Manila sa pag surpassed ng kanilang montly collection target sa buwan ng Oktubre.
Nakapagtala ng kabuunag Php7,359,293,245.39 koleksyon at higitan ang montly target na Php7,355,950.000 ng Php 3,352,245.39 o 00.5 percent. Keep it Up Collector Alviar ituloy mo lng ang magandang performance mo. (DEXTER GATOC)