Sinabi ni Senador Win Gatchalian na dapat isama sa congressional oversight review ng pambansang budget ang mga subsidiya na ibinibigay sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Ito ay kasunod ng inilunsad na fiscal crackdown ng Department of Budget and Management (DBM) laban sa mga GOCC na patuloy na umaasa sa malalaking subsidiya mula sa pamahalaan.
“Suportado ko ang panawagan ng DBM para sa fiscal discipline. Kailangan nating gumawa ng tamang assessment sa mga GOCC na nananatiling naka-life support sa gobyerno taon-taon,” pahayag ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance.
Sa ilalim ng DBM Corporate Budget Memorandum 48, ang mga GOCC na nanatiling lubos na nakadepende sa financial support mula sa gobyerno sa loob ng sampung sunod-sunod na taon ay awtomatikong mamarkahan at maaaring isailalim sa mandatory institutional review.
Ang nasabing pagsusuri ay upang matukoy kung dapat pa bang manatili ang GOCC bilang isang korporasyon, kailangan bang i-restructure, i-merge, i-rationalize, o gawin na lamang isang ahensya ng gobyerno base sa mandato, performance, at epekto nito sa kaban ng bayan.
“Dapat sintensyahan na ng DBM at ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang mga GOCC na hindi nagpe-perform nang maayos. Hangga’t aktibo ang mga GOCC na ito, patuloy silang aasa sa subsidiya, na nagdudulot naman ng malaking kabawasan sa pondo ng bayan,” ani Gatchalian. (LB)
