SA pangalawang pagkakataon ay nagsagawa ng “Interdiction Operation” ang JoyRide PH nitong Biyernes, Marso 7, 2025, sa kahabaan ng Taft Avenue cor. EDSA, tapat ng Metropoint Mall, tapat ng Heritage Hotel at SM Mall of Asia sa Pasay City.
Layon ng nasabing operasyon na sitahin at hulihin, sa pakikipagtulungan ng PNP Pasay Unit, ang mga fake riders ng JoyRide na nakasuot ng uniporme pero hindi rehistrado ng motorcycle hailing app, tulad ng dalawang (2) biker na nahuli sa pamamagitan ng pagcheck sa kanilang account.

Hindi rin nakalusot ang tatlong (3) JoyRide bikers na rehistrado nga pero ginagamit ito bilang habal-habal.
Dinala sa presinto ang mga pekeng JoyRide bikers at sinampahan ng kaso, habang ang mga pasaherong nakasakay sa mga habal-habal na JoyRide ay pinababa at pinayuhang huwag tangkilikin ang mga tulad nito.

Dahil dito, may panawagan si Mr. Lawrence Ilumbra, Safety Training Manager ng JoyRide PH sa mga pekeng bikers.
“Yung mga hindi lehitimong JoyRide biker, please huwag nyong gamitin yung uniform kasi meron kayong nasasagasaang batas… intellectual property.. unfair competition as well,” pahayag ni Ilumbra.
Maging sa mga habal-habal at pasahero ay may pakiusap din ang pamunuan.
“Sa mga lehitimong rider, make sure naka-booked yung pasahero na sakay ninyo. Dun naman sa mga pasahero, huwag din tayong pumayag na mag-cancel ng booking ang mga driver kasi for the sake of security both sides.. Kasi nako-compromised yung insurance once na-cancel yung transaction,” mahabang paliwanag pa ni Ilumbra.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 10,000 hanggang 15,000 ang rehistradong bikers ng JoyRide, kung saan higit sa sampung libo dito ang nasa Metro Manila.
Kaya naman, tuloy-tuloy lang ang kanilang operasyon sa Kamaynilaan upang masiguro na walang fake riders ang JoyRide. (LB)