Dismayado si Senador Win Gatchalian na hindi bababa sa ₱12.30 bilyong maituturing na leakage ang napunta sa mga non-poor beneficiaries ng Senior High School Voucher Program noong taong 2024.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, may katumbas ng 47% ng ₱26.31 bilyong inilaan sa SHS-VP noong School Year (SY) 2024-2025 ang natuklasang minimum leakage.
Gamit ang 2024 Annual Poverty Indicators Survey (APIS), napag-alaman ng senador na 67% ng mga benepisyaryo ng SHS-VP para sa SY 2024-2025 ay mula sa mga non-poor households.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senado, inihayag ni Gatchalian ang kanyang pagkadismaya sa kabiguan ng Department of Education (DepEd) na maglabas ng mga bagong guidelines upang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
Halos dalawang taon na ang lumipas simula noong pangunahan ni Gatchalian ang mga pagdinig kung saan pinuna ang pagkakaroon ng mga ghost students at bilyong-bilyong piso ng leakages.
“Ang gusto namin aksyon, hindi puro pangako. Nagiging volume game na ito ng mga eskuwelahan, for profit na ngayon ang senior high school. Padamihan ng estudyante, tapos kayo ang sisingilin,” ani Gatchalian habang inilalarawan ang isang anya’y parang modus.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Finance, dapat tugunan ng mga bagong guidelines ang pinakanangangailangang mga mag-aaral, tugunan ang mga leakages, tiyakin ang quality assurance, at maiwasan ang congestion o siksikan sa mga pampublikong paaralan. (LB)
