Kasado na ang mga kongkretong hakbang ng Department of Agriculture (DA) upang matugunan ang banta ng El Niño at maprotektahan ang sektor ng agrikultura laban sa epekto ng matinding tag-init at kakulangan sa tubig.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Lunes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi na bago sa bansa ang banta ng El Niño kaya maagap nang kumikilos ang pamahalaan upang mabawasan ang magiging epekto nito sa mga magsasaka at sa suplay ng pagkain.
Ayon kay Castro, inatasan na ng DA ang National Irrigation Administration (NIA) na tukuyin ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng kakulangan sa tubig, kabilang ang mga saklaw ng pangunahing irrigation systems gaya ng Magat Dam at iba pang mahahalagang patubig sa bansa sa ilalim ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS) na magbibigay ng irigasyon sa mga magsasaka.
“Handa ang DA sa mga concrete measures para ito ay maagapan. Inatasan ang National Irrigation Administration na tukuyin pa ang mga lugar na maaapektuhan ng kakulangan ng tubig, kabilang na rito ang mga saklaw ng mga sistemang tulad ng Magat, UPRIIS at iba pang irrigation systems,” ani Castro.
Kasama rin sa mga hakbang ng DA ang mas detalyadong pagmamapa sa mga rainfed o umaasa sa ulan na sakahan upang agad na matukoy ang mga lugar na higit na bantad sa El Niño.
Sinabi ni Castro na pinangungunahan ito ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), katuwang ang Bureau of Soils and Water Management (BSWM) at mga regional field offices ng DA, na mas pinaigting ang monitoring sa mga El Niño-vulnerable areas upang maisagawa ang localized interventions at agarang suporta sa mga apektadong magsasaka.
Nauna nang tiniyak ng administrasyon na patuloy ang koordinasyon ng lahat ng ahensya ng gobyerno upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa panahon ng El Niño alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | *PND*
