Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagbabawal, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok sa gitna ng pagtaas ng online selling ng mga naturang produkto at iba pang pyrotechnic device.
“Dahil patok na patok ang online selling kabilang na ang pagbebenta ng mga paputok, mahalagang maipasa ang batas na magbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online platform. Kailangan itong maipatupad bago pa dumami ang mga pumupunta sa mga platform na ito para bumili ng mga paputok,” ayon kay Gatchalian.
Ito ang naging pahayag ng senador kasunod ng mga ulat na laganap na sa online platform ang pagbebenta ng mga paputok na nakamamatay.
“Ang pagdami ng mga nagbebenta sa online platform ay nagdudulot ng mga bagong hamon, kung kaya’t ang mga awtoridad ay dapat magpatibay ng mga makabagong paraan upang matugunan ang mga panganib na ito. Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga online na platform, at mga lokal na komunidad ay mahalaga upang itaguyod ang pagbabawal at isulong ang mas ligtas na mga alternatibo para sa mga pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon,” sabi ni Gatchalian.
Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill 1144 na tatawaging Firecrackers Prohibition Act kung magiging batas.
Layon nito na mag-amyenda sa Republic Act 7183, na kilala rin bilang “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.”
Ayon sa mambabatas, hindi naging epektibo ang pagpapalabas ng Executive Order No. 28 hinggil sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device, upang mapigilan ang mga pinsalang may kaugnayan sa paggamit ng paputok.
Aniya, ipinagbabawal ng panukalang batas ang pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari, at paggamit ng anumang paputok o pyrotechnic device.
Gayunpaman, nagbibigay ang panukala ng exception sa pagbabawal ng mga paputok, tulad ng pagkuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office.
Bukod dito, dapat isagawa lamang ng mga propesyonal na may sapat na kasanayan at kaalaman sa paggamit ng mga paputok ang anumang fireworks display.
“Hindi kinakailangang magpaputok upang maramdaman natin ang saya ng selebrasyon. Isipin din natin ang trahedya na maaaring maidulot nito,” pagtatapos niya. (LB)