BOC, DA nagsagawa ng inspeksyon sa mga bodega sa Bulacan na nag-iimbak ng pinaghihinalaang smuggled na bigas

Nagsagawa ng inspeksyon oong 16 Disyembre 2024 ang Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Department of Agriculture (DA), sa siyam na bodega sa Bocaue at Balagtas, Bulacan, na natagpuang nag-iimbak ng tinatayang Php661 milyong halaga ng pinaghihinalaang smuggled na bigas.

Ang operasyon ay isinagawa matapos matanggap ang mga ulat ukol sa mga bodega na nagtatago ng imported na bigas nang walang sapat na patunay ng pagbabayad ng tamang buwis at taripa na nararapat bayaran sa gobyerno.

Upang tiyakin ang kredibilidad ng mga ulat, nagtipon ang isang composite team mula sa Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) sa pamumuno ni Spy Officer Alvin Enciso, Enforcement and Security Service (ESS), at DA-Inspectorate and Enforcement (DAIE), na sinuportahan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at mga opisyal ng barangay, upang magsagawa ng inspeksyon. Sa operasyon, natuklasan ang humigit-kumulang 249,500 sakong bigas.

Upang matiyak ang patas na proseso, isang dayalogo ang isinagawa sa mga may-ari ng bodega noong 18 Disyembre 2024. Pinangunahan ito ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio at DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., at dinaluhan ng mga miyembro ng House of Representatives, kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga may-ari ng bodega na ipaliwanag ang kanilang panig at magsumite ng mga dokumento bilang patunay ng lehitimidad ng kanilang operasyon.

Sa dayalogong ito, ipinaliwanag ni Commissioner Rubio na ang pag-iisyu ng Letters of Authority (LOA) ay bahagi ng mandato ng Bureau upang magsagawa ng inspeksyon at bisitahin ang mga lugar na pinaghihinalaang nagtatago ng smuggled na kalakal. Ang LOA ay nagbibigay kapangyarihan sa mga kawani ng customs na humingi ng ebidensya ng pagbabayad ng buwis at taripa sa mga imported na produkto na ibinibenta o nakatago sa mga bodega, alinsunod sa Seksyon 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Upang mabawasan ang posibleng epekto ng mga inspeksyon sa suplay at affordability ng bigas, pinayagan ng BOC, sa tulong ng DA, ang mga may-ari ng bodega na magpatuloy sa kanilang operasyon sa ilalim ng mahigpit na pag-monitor. Ang hakbang na ito ay nagsisigurado na ang suplay ng bigas ay hindi maantala at nananatiling abot-kaya para sa mga Pilipino, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.

Hinimok din ni Congressman Erwin Tulfo ang mga may-ari ng bodega na tumulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga mamimili.

Binigyan ang mga may-ari ng bodega ng 15 araw upang magsumite ng patunay ng tamang pagbabayad ng buwis at taripa. Kung hindi nila ito matugunan, magsasagawa ang BOC ng mga hakbang ayon sa mga regulasyong ipinatutupad ng customs.

Ang magkasanib na hakbang na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng BOC at DA sa regulasyon at pagprotekta sa pagpasok ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa. Kasama rin ito sa mga hakbang ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang palakasin ang mga hakbang laban sa agricultural smuggling. Kasunod ito ng kamakailang pagkakumpiska at donasyon ng Php178 milyong halaga ng frozen mackerel noong 14 Disyembre 2024.

Ilan pa sa mga dumalo sa dayalogo ay sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr., na kumakatawan kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; Deputy Speaker David Suarez; Rep. Janette Garin; Rep. Mark Enverga; Rep. Horacio Suansing, Jr.; at Rep. Erwin Tulfo.

Ang mga magkakasamang hakbang na ito ay nagpapakita ng determinasyon ng gobyerno na labanan ang agricultural smuggling habang tinitiyak na ang mga pangunahing produkto tulad ng bigas ay mananatiling available at abot-kaya para sa lahat ng Pilipino. (Dexter Gatoc)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights