BOC-Clark Nasabat ang PhP729K halaga ng Mataas na Uri ng “Kush”

Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Jairus Reyes ang mataas na uri ng marijuana na “Kush” na nagkakahalaga ng Php 729,000 na idineklarang mga kasuotan. 

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ), at mga lokal na opisyal mula sa Brgy. Dau, Lungsod ng Mabalacat. 

Ang kargamento na dumating noong Oktubre 11, 2024, ay idineklarang dalawang (2) piraso ng “kasuotan.” 

Na markahan  ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC ang nasabing kargamento, dahilan upang isalang ito para sa pisikal na pagsusuri matapos makita ang mga kahina-hinalang imahe. 

Isang K-9 unit din ang lalong nagpalakas sa hinala ng mga operatiba ng X-Ray nang upuan nito ang mga kargamento na nagpapatunay sa  presensya ng iligal na sangkap. 

Dito na nga nakumpirma sa isinagawang pisikal na pagsusuri, ng matagpuan ng mga awtoridad ang isang pouch na naglalaman ng tuyong dahon  na pinaghihinalaang mataas na uri ng marijuana, na karaniwang tinatawag na “Kush.”

Agad namang kumuha ng mga sample ang mga operatiba ng Bureau of Customs-Port of Clark at isinumite ito sa PDEA para sa pagsusuri , at nakumpirmang mga marijuana na itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng R.A. No. 9165, na inamyendahan.

Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention para sa kargamento dahil sa paglabag sa Section 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs f, i, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay sa R.A. No. 9165. 

Pinuri ni Acting District Collector Jairus Reyes ang mga tauhan ng Port of Clark  para sa kanilang walang sawang dedikasyon sa paglaban sa pagpupuslit ng droga. 

Binigyang-diin din nya na ang kanilang pagbabantay ay may mahalagang papel sa pagprotekta sa bansa mula sa panganib ng mga iligal na sangkap at pagsuporta sa misyon ng BOC na pangalagaan ang bansa. 

Sa pagtugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., muling binigyang-diin ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang dedikasyon ng BOC sa paglaban sa pagpupuslit ng iligal na droga. 

“Nakatutok ang buong ahensya na pigilan ang pagpupuslit at tiyakin ang kaligtasan ng mga hangganan ng bansa at ang kapakanan ng mga mamamayan laban sa banta ng mga iligal na sangkap na nagtatangkang pasukin ang ating mga komunidad,” pahayag ni Comm. Rubio. (DEXTER GATOC)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights