Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay kahalagahan sa pagkakaroon ng mga preventive measures upang labanan ang karahasan sa mga bata.
“Prevention is one of the keys to really ensure that our children are protected para hindi po sila ma-aabuse. Isa nga po diyan yung pagpapalakas ng kapasidad ng mga magulang para alagaan yung kanilang mga anak, para maintindihan po yung complexities of childhood and of adolescence nang sa gayon ay matugunan po nila yung mga pangangailangan ng kanilang mga anak at ma-prevent from any forms of abuse and exploitation,” saad ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa ginanap na Talakayang Makabata press conference noong Biyernes (October 18) sa Philippine Information Agency (PIA).
Ayon kay Dumlao, kabilang sa mga programa ng DSWD ang Parent Effectiveness Service (PES) Program na naisabatas noong 2022 batay sa Republic Act (RA) No. 11908.
Naglalayong asistehan o tulungan ng PES Program ang mga magulang at parent-substitutes sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa pagpapalaki ng bata.
Ipinapakita din sa nasabing programa ang tamang gabay sa pagiging isang mabuting magulang, kaakibat ang responsibilidad na nakasalalay dito, gayundin ang early childhood development, behavior management of younger and older children, husband-wife relationships, prevention of child abuse, health care, at iba pang challenges bilang magulang.
“I’d like to mention that one specific module in the PES is ‘Keeping your child safe from abuse.’ So, sa pamamagitan po niyan, nababahaginan po natin ng impormasyon ang mga magulang…At the same time, natuturuan natin sila kung papaano ba magabayan yung kanilang mga anak na ma-address nga yung mga specific issues na kinakaharap nila. In so doing, ma-prevent yung mga pagsasagawa ng anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata,” paliwanag ni Asst. Secretary Dumlao.
Bukod naman sa PES, nakapaloob din sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kailangang lumahok sa family development sessions o FDS ang beneficiaries ng programa dahil layon nito na mapagtibay ang family ties, na isa sa mga katangian ng mabuting pagpapalaki sa mga bata.
Samantala, nagbibigay din ang DSWD ng mga intervention hinggil sa rehabilitation at recovery para naman sa mga naging biktima ng panga-abuso.
Kinakalinga ang mga ito sa DSWD centers and residential care facilities (CRCFs) for children in need of special protection.
Kabilang sa mga tulong na ibinibigay dito ang psychosocial care; psychosocial counseling; referral to medico-legal examinations; legal and paralegal assistance; at psychological/ psychiatric test.
Bukod dito, nagbibigay din ang ahensya ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP), isang komprehensibong programa na tumitiyak sa victim-survivors na mabibigyan ito ng tama at sapat na pagkalinga.
Kabilang sa mga dumalo sa press conference sina Asst. Secretary Dumlao; Council for the Welfare of Children (CWC) Executive Director Undersecretary Angelo Tapales; National Youth Commission (NYC) commissioner-at-large Asst. Secretary Michelle Mae Gonzales; P/Major Meriel Editha Reyes ng Philippine National Police (PNP)-Women and Children Protection Center Anti-Violence Against Women and Children Division Assistant Chief; at Tanya Criscita Manalo, child representative mula sa regional sub-committee for the welfare of children sa Calabarzon
Isang media forum ang Talakayang Makabata para sa nalalapit na ika-32 National Children’s Month celebration ngayong November, na may temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines!” (LB)