BAGAMAT nalulungkot si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagkakabitay ng dalawa nating kababayan sa bansang China ay sinabi ng senador na unawain nating lahat ito.
Ayon kay dela Rosa, ito ay batas ng China na dapat irespeto ng bawat isa lalo na’t doon nakagawa ng krimen ang ating kababayan.
Aminado naman si dela Rosa na ginawa na ang lahat ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapigilan ang pagbitay subalit hindi ito pinakinggan.
Umaasa naman si dela Rosa na hindi na mauulit ang ganitong insidente sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa.
Dahil dito nanawagan na lamang si dela Rosa sa pamahalaan na tulungan na lamang ang pamilya na maibalik ang bangkay sa bansa at maipalibing ng maayos at maiabot ang anumang maaring tulong na maibibigay. (Nino Aclan)