Ang Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ay matagumpay na nasabat ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng PhP42.16 milyon sa NAIA Terminal 3, Lungsod ng Pasay, noong Oktubre 12, 2024.
Isang pasaherong South African na dumating mula sa Addis Ababa ang naaresto dahil sa pagdadala ng 6.2 kilo ng Methamphetamine Hydrochloride, na mas kilala bilang shabu.
Natuklasan ang kontrabando sa pamamagitan ng mahigpit na screening, kabilang ang x-ray scanning, K9 inspection, at masusing pisikal na pagsisiyasat sa bagahe ng pasahero.
Ang pasahero, kasama ang mga nakumpiskang droga, ay agad na itinurn-over sa PDEA para sa inquest proceedings para sa mga paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bilang inamyendahan) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang hindi matitinag na pangako ng ahensya sa paglaban sa pagpupuslit ng ilegal na droga.
“Ang bawat matagumpay na operasyon ay nagpapatibay sa aming hangarin na protektahan ang bansa mula sa salot ng ilegal na droga.”
Muling pinagtibay din ni District Collector Yasmin O. Mapa ang dedikasyon ng BOC-NAIA sa pagbabantay sa mga hangganan ng bansa sa pamamagitan ng pinaigting na mga hakbang laban sa pagpupuslit ng droga. (DEXTER GATOC)