Mga bagong programang pangkalusugan ng PhilHealth inanunsyo sa Kapihan with Media

KOMPYANSANG inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nananatili silang kaagapay ng bawat Pilipino pagdating sa gastusing medikal.

“Sa panahon ng mga hamon ng kalusugan, ang PhilHealth ay nananatiling kaagapay ng bawat Pilipino sa pagharap sa mga gastusing medical,” ani Philhealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. sa ginanap na Kapihan with Media nitong Lunes, Oktubre 7.

Sa nasabing  aktibidad ay inilunsad din ng Philhealth ang mas pinalawak at mga bagong benepisyo para sa mga Pilipino.

Alinsunud sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang sistema ng kalusugan sa bansa, dinagdagan ng Philhealth ng hanggang 50 porsiyento ang benepisyo sa mga sakit na karaniwang nakakaapekto sa mga Pilipino kabilang dito ang pneumonia, severe dengue, stroke, chronic kidney disease, asthma, sepsis, ischemic heart disease, cataract at  hemodialysis.

Bago matapos ang taon, sakop na din ng Philhealth benefit ang chemotherapy para sa ilang cancers kabilang ang lung, liver, ovary at prostrate.

“This move aims to protect families from falling into poverty due to medical expenses” pahayag ni Ledesma.

Ipinagmalaki ni Ledesma na nakalatag na hanggang 2026 ang pondo para sa benefit package sa mga Pilipino kaya naman walang dahilan para hindi magpakunsulta at magpaconfine.

Ipinagmamalaki rin ng PhilHealth na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia Pacific na naglunsad ng isang outpatient therapeutic care package para sa Severe  Acute Malnutrition na sinimulan nang ipinatupad noong Oktubre 1,2024.

Layunin ng benepisyong ito na labanan ang malnutrisyon sa mga bata at bawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang apektado nito, kaya naman nasa P7,500 halaga ng malnutrition package ang maaaring matanggap ng mga sanggol na edad 0 hanggang 6 buwan gulang habang P17,000 naman sa mga may edad 6 na buwan  hanggang 5 taon.

Bilang karagdagan, inalis na rin ang patakaran sa Single Period of Confinement (SPC) upang matulungan ang mga miyembrong nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan.

Tataas din ng 59% ang benepisyo para sa hemodialysis mula P4, 000 na magiging P6,350 kada dialysis na simulang mararamdaman ng mga pasyente simula Nobyembre.

Dahil ditto, aabot na sa halos P1 milyon kada taon ang benepisyo sa bawat dialysis patient na  makakatanggap pa rin ng kabuuang 156 dialysis treatment kada taon.

Kasabay ng pagpapalawak ng benepisyo, gumagamit din ang PhilHealth ng makabagong teknolohiya upang mapabuti ang kanilang mga serbisyo.

Nakipagtulungan ang Philhealth sa Department of Information and Communication(DICT), Department of Health (DOH), at Philippine Statistics Authority (PSA) upang
mas mapadali ang proseso ng mga serbisyo ng PhilHealth, lalo na para sa mga nasa  malalayong lugar.

Sinabi ni Ledesma na pinalawak din ang programang “Konsulta” na nagbibigay ng libreng konsultasyon,  diagnostic tests, at mga gamot.

Kabilang sa Konsulta Program ang pagbibigay ng 21 klase ng gamot,  primary care services at 15 na diagnostic services kasama ang mammography gayundin ang ultrasound sa breast, abdomen at pelvic.

Samantala, pinawi ni Ledesma ang pangamba na mawawalan ng pondo ang Philhealth, aniya, maraming funding support ang Philhealth kaya hindi concern ang mauubusan ng pondo ang ahensya.

Aniya,nagkaroon na rin ng pagbabago sa pagbabayad ng Philhealth sa mga ospital, sa katunayan, ikinalulugod ng Philippine Hospital Association ang maagap nang pagbabayad ng Philhealth kaya naman ang apela ni Ledesma sa publiko na huwag mag atubili na magpacheck up o magpaconfine kung may iniindang sakit dahil kaagapay ng bawat Pinoy ang Philhealth.

Upang mas maabot ng Philhealth ang mas nakararaming Filipino, umaapela si Ledesma sa healthcare providers, pribado man o publiko, na magpaacredit sa Philhealth para makapagbigay ng mas abot kayang serbisyo medikal.

“Sama-sama nating itaguyod ang isang mas malusog at matatag na Pilipinas” pagtatapos pa ni Ledesma. (BONG SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights