ONLINE GAMBLING LULUSAWIN NG 2 KONGGRESISTA NG MAYNILA

DESIDIDO ang dalawang Konggresista ng Maynila na lusawin ang mga namamayagpag na sugal sa online at text messages, dahil nagiging dahilan ito ng pagkarahuyo ng mga kabataan at ng mga mahihirap na kababayan bunsod na rin sa madaling ma-access ito.

Sa kanilang pakikilahok sa ‘MACHRA Balitaan’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View, sinabi nina Congressmen Ernix Dionisio (1st district) at Irwin Tieng (5th district) na pareho nilang hinahanapan ng paraan upang tuluyan ng ma-ban ang lahat ng uri ng illegal gambling at sumusumpang hindi nila ito titigilan hangga’t hindi nila pormal na nabibigyan ng perpetual ban ang Philippine Offshore Gaming Operations o POGOs sa pamamagitan ng isang batas.

Binigyang diin ni Dionisio na dapat na manatili na lang ang sugal sa casinos para sa mga matatanda at mayroong perang lulustayin, pero ang nangyayari ay nagiging available ito online kung saan ang mga mahihirap at estudyante ay nai-expose kaya maging sila ay nahihikayat hanggang sa malulong at mauwi sa pangungutang at paggawa ng krimen para lang matustusan ang bisyo ng pagsusugal.

“Gambling should be limited only to those who go to the casinos. Dapat ang sugal hindi accessible lalo na sa mga bata na ipinupusta pati mga baon nila,” sabi ni Dionisio, kung saan ginawa niyang example ang isang pulis na sa kabila ng pagiging miyembro ng law enforcement, ay nalulong pa rin sa sugal.

Sa parte naman ni Tieng, sinabi ng solon na sinulatan na niya ang isang major telecommunications company at hinihingi ang paliwanag kung bakit ito nagpapadala ng text messages sa mga subscribers at nag-iimbita ito na pasukin ang site ng isang online gambling.

Dagdag pa niya na hinahanapan nila ng kasagutan ang nasabing telecommunications company kung ang text messages ay ipinadadala sa lahat ng subscribers maging ito man ay menor de edad dahil ang kailangan mo lang gawin ay iki-click at nasa daigdig ka na ng online gambling. 

Sinabi pa ng dalawang Konggresista na ang pagba-ban sa POGO ay kailangang i-formalized at i-institutionalized sa pamamagitan ng paggawa ng batas at sa pagpapatupad nito.

Samantala, sinabi ni Dionisio na ang sama at negatibong dulot ng epekto ng POGO na dinadala nito sa lipunan ay higit sa nakukuhang benepisyo nito.

Ipinahayag pa ng kinatawan ng unang distrito na maraming paraan para kumita o makalikha ng pondo.

“Dumarami ang corrupt, kokonti ang yumayaman, selective ang nagbe-benefit tapos magtatapon ng konting barya sa komunidad,” pahayag nito.

Ang hindi magandang pag-uugali ng mga tao sa likod ng POGO at ang mga krimeng nag-uugat dito ang siya namang ipinupunto ni Tieng.

Ito aniya ay hindi dapat pinapayagan ng ating bansa. 

Binanggit ng kinatawan ng ika-limang distrito ang mga krimeng ginagawa ng mga may kaugnayan sa POGO operations na mismong ang mga law enforcers na rin ang nagbunyag at humahabol sa kanila.

Gayunpaman, nagpahayag ng suporta si Dionisio sa stance ni Senate President Chiz Escudero na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay dapat na magtrabaho lang bilang regulatory body at iwasan ang maging bahagi ng gambling operations mismo. (BONG SON)

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights