“Ang sagot sa ASF, ‘ASF’ din.
“Ayuda para sa mga apektadong hog raisers, Supply ng bakuna na libre at accessible, at Full monitoring sa mga apektadong lugar.”
Ito ang pahayag ni AGRI Partylist Rep. Wilbert “Manoy” T. Lee nang ihain niya ang House Resolution No.1956 upang iprobe ang lumalalang epekto ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, kasabay ng panawagan sa mga concerned government agencies, kabilang ang Department of Agriculture (DA) at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), na magbigay ng tulong sa mga hog raiser, pangalagaan ang kanilang kabuhayan at tiyakin ang seguridad sa pagkain.
Sa sidelines ng Summit on ‘SMART LGUs’ sa Iloilo City na inorganisa ng Vice Mayors’ League of the Philippines kung saan siya dumalo bilang guest speaker, binigyang diin ni Lee ang pangangailangan ng DA na maghanda para sa worst scenario upang maiwasan ang kakulangan sa supply ng baboy at pork products na maaaring humantong sa pagtaas ng presyo nito.
“Bukod sa ASF, isa sa magiging hamon sa supply ng karne ng baboy ang paparating na La Niña. Ngayon pa lang ay dapat puspusan na ang paghahanda ng DA para siguruhin na hindi magkakaroon ng kakulangan sa karne ng baboy lalo na sa paparating na holiday season,” ani Lee.Isang matatag na agriculture advocate, binigyang diin din ng solon mula sa Bicol ang kalagayan ng mga local hog raisers na magdurusa ng double whammy sa patuloy na hamon sa industriya ng baboy.
“Baka botcha na ang abutin ng kabuhayan ng mga magbababoy, lalo na ng ating mga backyard hog raisers, dahil pasakit na nga itong ASF, dagdag pasanin pa ang magiging epekto ng La Niña,” pahayag ng solon.“Bukod sa ayuda, kailangan na ring ihanda at mabilis na mailatag ang mga alternative livelihood para sa kanila para may maipantustos sa pangangailangan ng pamilya,” dagdag niya.
Para kay Lee, dapat iugnay ng gobyerno ang hog raisers sa mga pamilihan kung saan maaari nilang ibenta ang kanilang mga produkto lalo na sa posibilidad na maaaring tumaas ang takot ng mga tao na bumili ng baboy dahil sa ASF.
“Dahil sa banta ng ASF, maraming hog raisers kahit sa mga hindi apektadong lugar ang nalulugi at nawawalan ng kita, dahil matumal ang kanilang benta. Dapat hanapan sila ng gobyerno ng merkado kung saan pwede silang mabilis na makapagbenta,” pagdidiin ni Lee.
Binigyang diin pa ng solon ang kahalagahan ng pagpapaigting ng biosecurity measures upang maglaman ng ASF at nanawagan ng karagdagang pagsusuri upang matukoy ang mga nahawaang lugar, kabilang ang mga kontaminadong materyales at mga trak ng transportasyon ng hayop.
“Itong ASF, hindi ito kahapon lang nadiskubre at nakapinsala sa ating mga kababayan. Napakatagal na nito. Awareness ng lahat at pagiging pro-active sa pagtugon ang kailangan natin dito. Pinaka-apektado po rito ang ating backyard hog raisers, kaya dapat tuloy-tuloy ang pag-alalay natin hanggang makabangon sila sa pagkalugi sa kabuhayan,” saad pa ni Lee.
Sa inaasahang paghahatid ng 10,000 doses ng ASF AVAC live vaccines para matugunan ang pagkalat ng ASF sa Batangas noong Aug. 16, hinimok ni Lee ang DA na maghanda ng contingency plans sakaling maantala ito.
“Inaasahan ng DA itong ASF vaccines na makatugon sa ASF. Pero paano kung magkaroon ng delay sa delivery? Kailan ang dating ng mga susunod pang bakuna? Ano ang plano para sa mga hog raisers at maging sa supply ng karne kung di dumating on time?” tanong ng solon.
“Gusto nating marinig ang komprehensibong plano ng DA kung sakali mang hindi maging on-track sa expected timetable ang delivery ng mga bakuna. Sa ngayon, under state of calamity na ang buong probinsya ng Batangas dahil sa ASF. Kung hindi dumating on time yung ASF vaccines tapos andiyan na ang La Niña by October, mas malalang delubyo ang aabutin natin by the end of the year kung walang plano.”
Dagdag pa ng mambabatas na dapat umanong magkaroon ng agrisibong aksyon at solusyon para matulungan ang local food producers at maibsan ang pasanin ng consumers, kung saan panalo ang sambayanang Pilipino. (LB)