The Brockas Band sinabihan ng ‘bad words’ si Jade Castro sa birthday ni Ricky Lee

Tunay na kakaiba ang nililikhang kasaysayan ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at mga Sining na Panghimpapawid na si Ricardo Lee, kilala rin sa tawag na Ricky Lee.

Nito lang mga gitnang panahon ng buwan ng Marso, nagdiwang si Ricky ng kanyang kaarawan at talagang ginulat niyang muli ang balat ng showbiz.

Aba’y tunay na mahal ng daigdig ng aliw at ng panitikan ang isang Ricardo Lee.

Bumaha hindi lang ng mga tao ang kumpleanyo ng dakilang manunulat kundi umanod rin ang iba’t ibang uri ng inumin.

Pati pagkain ay hindi mapigilang magpugay.

Ito kasi ang nakasaad sa imbitasyon na ipinamahagi online ng kanyang mga tagatangkilik. 

Sa natanggap kong paanyaya, sinasabi na magdala ng pagkain at inumin para sa piging.

Na sa kolonyal na kahulugan ay pot luck o Dutch treat o Kanya-Kanyang Baon o KKB.

Hindi naman ibig sabihin nito ay walang panghanda si Ricky.

Sa katunayan, may catering rin o main course o mga putahe na kanyang inihanda.

Basta’t para kay Lee, mas mainam ang komyunal na pamumuhay–ang lahat ay may kontribusyon sa lahat ng sangay ng buhay, pinag-iibayo ang nakayanan ng bawat isa at hindi umaasa lang sa kakaunti o mas may kaya.

Nang dumating nga kami ng progresibong peryodistang pampelikulang si Art Tapalla sa pinagdausan ng selebrasyon–ang clubhouse ng Xavierville Subdivision, isang sosyal na nayon sa Lunsod ng Quezon–santambak na ang mga pagkain sa mga mesa.

Nagluto kami ni Art ng chami, isang uri ng lutuin sa miki na ginigisa lamang, para sa potluck.

***

Ako nga pala ay isa sa labinglimang piling-pili at kauna-unahan sa libreng scriptwriting workshop ni Ricky noong 1982 kaya makasaysayan ang aming pagdating sa kanyang piging.

Kasabay ko noon ang mga sikat nang direktor at screenwriter na sina Jeffrey Jeturian, Armando “Bing” Lao, Jose “Peping” Almojuela, Nonoy Labayen, Buddy Palad, Boots Agbayani-Pastor, ang mga namayapa nang premyadong direktor at manunulat na sina Vincent Benjamin Kua, Jr., Lynda Casimiro at Leo Abaya, ang mga tulad namin nina Emmie Velarde, Philip Garcia, Jr., Eric Reyes (kapatid ng aktor na si Efren Reyes, Jr.), Loretta Medina (isang pampanitikang manunulat) o may nakalimutan ako o labing-apat lang talaga kami.

Magkagayunman, ako lang ang nakarating sa birthday party ni Ricky na dinaluhan din nina Mell T. Navarro, Gerry Olea, Gina Alajar, Jay Altarejos, Lav Diaz, Ricky Davao, Bituin Escalante, Adolf Alix, Jr., Fiel Zabat (premyadong Production Designer–PD–na nagtungo sa US noong mga gitnang bahagi ng 1980s para magtrabaho sa Macys sa New York bilang tagadisenyo ng mamahaling tindahang ‘yon at ngayon ay babaing-babae na), Joscephine Gomez, Ellen Ongkeko-Marfil, Susan Claire Agbayani, Herbert Bautista, Bela Padilla, Rod Marmol, Petersen Vargas, Jose F. Lacaba, Marra PK. Lanot, Jonathan Badon, Rody Vera at marami pang iba.

Siyanga pala, dumatal din ang The Brockas Band, isang mapagpalaya at maingay na grupo na kumanta ng rebolusyonaryong awitin na puro ingay pero malalim ang kahulugan.

Sa kanilang kanta (sa pangunguna ng direktor na si Khvan de la Cruz), minura nila ang kapwa direktor na si Jade Castro na nakulong kamakailan sa bintang na panununog ng isang modernong dyip sa Catanauan, Quezon.

Pero ilegal ang pagkakaaresto kay Jade at sa kanyang tatlong kasama dahil wala namang kongkretong ebidensiya na sila ang nanunog at wala ring mandamyento de aresto para sa kanila.

At hindi ako naniniwalang may kasalanan sina Castro.

Ang pagmumura ng The Brockas kay Jade ay paglaban at protesta kontra kawirwiran ng hustisya sa Pilipinas.

Hustisya rin ang sigaw ni Vince Tanada sa kayang “Senakulo” sa Black Box Theater sa Balic-Balic sa Huwebes Santo at ni Lou Veloso, Jr. sa “Martir sa Golgota” ng Tanghalang Santa Ana sa Plaza Hugo sa March 27, 2024.

Hustisya para sa kainosentehan ni Hesukristo pero ipinako pa rin siya ng mga Hudyo sa krus. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights