PINURI ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) makaraang lagdaan nito ang panukalang batas ng senador na mas kilala sa tawag na Revilla Law sa isang seremonya noong Lunes (Pebrero 26) na isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang.
Magbibigay ng benepisyo ang naturang batas sa mga Pinoy na octogenarian at nonagenarian, bukod sa centenarian na kasalukuyan nang nakakatanggap ng cash gift.
Si Revilla ang principal author ng batas na ito, kung saan ang pinagmulan nitong panukala ay kanyang una at prayoridad na inihain sa kasalukuyang kongreso.
“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinapaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan!,” saad ni Revilla.
“This was my promise to the Filipino elders and I’m proud to say that I fulfilled it. Sa wakas ay makakasama na rin sa mga mabibigyan ng benepisyo yung iba pa sa kanila, hindi lamang yung mga aabot ng isang daan taong gulang,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng tinatawag na Revilla Law, tatanggap ang mga matatandang Pilipino na aabot sa mga edad na 80, 85, 90 at 95 ng halagang P10,000 habang patuloy na makatatanggap ng P100,000 ang mga aabot naman sa edad na 100.
Ipinaliwanag ni Revilla ang hangarin ng bagong batas na ito na nagnanaiis mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola.
“Layon po ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay natin ng benepisyo para sa ating mga lolo at lola. Hindi na nila kinakailangan pang umabot ng 100 taong gulang para lamang makatanggap ng cash gift galing sa ating pamahalaan. 80 pa lang, bibigyan na natin sila agad. Pagdating ng 85, 90, at 95, bibigyan ulit natin sila. At kung ipagkaloob ng Panginoon na sila ay umabot ng isang daang taon, bibigyan natin sila ng mas malaking halaga bilang pagkilala sa kanilang narating,” saad niya.
“Sabi nga, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya hangga’t sila ay nabubuhay pa, iparamdam na natin sa kanila ang pagpapahalaga at pagmamahal ng gobyernong ito. At yan ay sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng inaasam-asam nilang pinansyal na regalo. Malaking bagay iyon para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain at iba pa,” dagdag ng batikang senador.
Para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, itinakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ay makakuha talaga ang cash gift na nararapat lang nilang matanggap.
“Kasama sa batas natin ang pagtatatag ng database para masiguro na wala tayong makakalimutan abutan ng benepisyo. With all the things our elders have done for our country, we should assure that they will receive all the honor and benefits they deserve,” paliwanag ni Revilla .
Nabatid na unang isinumite ni Revilla ang naturang panukala sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong 2019 ngunit ngayon lamang ito naging isang ganap na batas.
“Sabi nga ng isang salawikain ay “Sa hinaba-haba ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy.” Noon ko pa ‘to ipinapaglaban. Priority bill ko na ito noong 18th Congress pa lang. And now, after a long and arduous battle for the welfare of our lolos and lolas, it is with beaming pride to say that we have won the fight,” ani ng solon.
Sinigurado rin ni Revilla na patuloy niyang ipinapaglaban ang kapakanan ng mga nakakatanda, at hindi iyon natatapos sa pagkakapasa ng bagong batas. (LB)