DRILON, NABABAHALA SA MALNUTRISYON SA PINAS

PINANGUNAHAN ni dating Senate President Franklin M. Drilon ang paglulunsad ng “Mingo Meals for Nutrition Program” sa Calinog, Iloilo, isang mahalagang programa na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga kabataan.

Bunsod ito ng kanyang pagkabahala sa patuloy na paglala ng malnutrisyon ng mga batang Pinoy sa bansa.

Nakalikom si Drilon ng halagang P3.6 milyon na donasyon mula sa pribadong sektor, na gagamitin upang pakainin ang mga halos 500 na mga bata sa loob ng isang buong taon.

Mga miyembro ng mga katutubong komunidad sa mga bundok ng Calinog sa Iloilo ang unang batch ng mga kabataang makikinabang nito.

Ayon kay Drilon, may kakulangan ang mga batang ito sa timbang at nakakaranas ng pagkabansot o stunting.

“Ang “Mingo Meals for Nutrition Program,” isang kooperasyon sa pagitan ng mga pribadong sektor, ay naglalayong magbigay ng suporta sa nutrisyon sa mga bata upang labanan ang malnutrisyon. Sa pamamagitan ng programang ito, nais natin na palakasin ang kalusugan ng mga batang ito na naninirahan sa mga mahirap na komunidad,” mariing sinabi ni Drilon.

Naging posible ang proyektong ito sa tulong ng Daewoo Philippines at sa dedikasyon ng Negrense Volunteers for Change.

Ayon kay Drilon, nagtala na ng nakababahalang antas ang malnutrisyon sa bansa.

Batay umano sa isang pag-aaral mula sa United Nations Children’s Fund, lumalabas na 95 na mga bata ang namamatay araw-araw dahil sa epekto ng malnutrisyon, isang malupit na realidad na nangangailangan ng agarang aksyon.

Dagdag pa ng dating solon na ayon sa World Bank, nananatiling isang malubhang problema ang malnutrisyon sa bansa sa loob ng halos 30 taon, at isa sa bawat tatlong Filipino na batang may edad na 5 taon pababa ang nagdurusa mula sa pagkakaroon ng pagkabansot na isa sa mga masamang epekto ng malnutrisyon.

Idinagdag pa ni Drilon na nasa ikalimang puwesto ang bansa sa East Asia and the Pacific na may pinakamataas na kaso ng pagkakaroon ng pagkabansot.

Kaya naman nangako siya na patuloy na mangangalap ng karagdagang pondo upang labanan ang malnutrisyon sa mga bata at sa huli, mailigtas ang kanilang buhay.

“We can improve the lives of our children by improving their health. We should raise a generation of well-nourished children prepared to thrive in an increasingly competitive world,” sabi pa ni Drilon. (RCD)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights