NAIS ni Quezon City Rep. Marvin Rillo na magsumite ang Department of Health (DOH) sa Kongreso ng komprehensibong plano para i-upgrade ang bed capacities ng mga public residential drug abuse treatment and rehabilitation centers (DATRCs), sa gitna ng mga ulat na ang ilan sa kanila ay kadalasang nagiging masikip at kailangang maglagay ng waitlist ng mga indibidwal na naghahanap ng pagpasok.
“We would urge the DOH to prepare a more aggressive plan to augment the number of beds in existing DATRCs so that funding may be included in the 2025 national budget,” ani Rillo, miyembro ng House committee on appropriations.
Kung nais aniyang magtagumpay sa pagsugpo ng problema sa iligal na droga, kailangan umanong pagbutihin ang access ng publiko sa serbisyo ng DATRC.
Sa ilalim ng batas, ang isang drug dependent ay maaaring kusang humingi ng pagpasok sa isang DATRC na pinapatakbo ng DOH, sa pamamagitan ng kanyang sarili, o sa pamamagitan ng kanyang magulang, asawa, tagapag alaga o kamag anak sa loob ng ikaapat na antas ng consanguinity o affinity.
Nahaharap din ang sinumang maaresto, at mapapatunayang positibo sa paggamit ng iligal na droga matapos ang confirmatory test, sa compulsory six months minimum rehabilitation sa isang DATRC na pinatatakbo ng DOH.
Sa kasalukuyan ay may 23 DATRC ang pinapatakbo ng DOH sa 14 na rehiyon.
Sa 2024 General Appropriations Law, gumagastos ang DOH ng P1.58 bilyon para mapatakbo ang mga DATRC na nakakakuha rin ng karagdagang P409 milyong combined capital outlay para i-upgrade at palawakin ang kanilang mga pasilidad, ayon kay Rillo.
“We are ready to endorse bigger funding in 2025 to increase the beds of existing DATRCs, and to build new centers if necessary in regions where there is growing demand for their services,” ayon sa solon.
Sa Luzon, ang DOH ang nagpapatakbo ng Bicutan Rehabilitation Center; Las Piñas Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center; Dagupan Rehabilitation Center; San Fernando, La Union Treatment and Rehabilitation Center; Bauko, Mountain Province Treatment and Rehabilitation Center; Isabela Rehabilitation Center; Bataan Rehabilitation Center; Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center; Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center CALABARZON; Tagaytay Rehabilitation Center; Camarines Sur Rehabilition Center; and Malinao, Albay Rehabilitation Center.
Sa Visayas, ang DOH ang nagpapatakbo ng Pototan, Iloilo Rehabilitation Center; Argao, Cebu Rehabilitation Center; Cebu City Rehabilitation Center; at Dulag, Leyte Rehabilitation Center.
Sa Mindanao, ang DOH ang nagpapatakbo ng Zamboanga City Treatment and Rehabilitation Center; Cagayan de Oro Rehabilitation Center; Malaybalay, Bukidnon Treatment and Rehabilitation Center; Malagos, Davao Treatment and Rehabilitation Center; SOCCSKSARGEN Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center; CARAGA Rehabilitation Center; at San Francisco, Agusan del Sur Treatment and Rehabilitation Center. (LB)