Sa panukalang P100 dagdag sahod, DOLE nakahandang magbigay ng technical input sa Kongreso

Mahigpit na binabantayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-usad ng Senate Bill No. 2534, na nagmumungkahi na isabatas ang P100 across-the-board wage increase sa buong bansa para sa mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor.

Sa isang press conference, sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma na tungkulin ng DOLE na ipatupad at gamitin ang mga umiiral na batas at mekanismo sa pagtugon sa mga panawagan para sa pagtataas ng sahod. 

Binigyang-diin ng kalihim na iginagalang ng DOLE ang kapangyarihan ng Kongreso na gumawa ng batas, at lagi itong nakahanda na magbigay ng technical input sa Kongreso hinggil sa isyung ito batay sa karanasan ng ahensya sa pagpapatupad ng Republic Act No. 6727, ang kasalukuyang umiiral na batas sa pagtatakda ng minimum na sahod na siya ring lumikha sa Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) na naatasang mangasiwa sa pagtatakda ng minimum na antas ng sahod sa mga rehiyon.

Sa ngayon, labing-lima (15) sa labing-anim (16) na RTWPBs ang naglabas ng wage order na nagtataas ng pang rehiyon na minimum na sahod mula noong Hulyo 2023. 

Sa mga wage order na ito, siyam (9) ang pinasimulan ng RTWPBs ng motu proprio o walang anumang petisyon na inihain sa panig ng mga organisasyon ng manggagawa. 

Sama-samang napagkasunduan ng lahat ng mga miyembro ng RTWPBs ang lahat ng mga nabanggit na pagtaas.

Tanging ang RTWPB XI na lamang ang hindi pa naglalabas ng wage order sa nagpapatuloy na pagtaas ng sahod. 

Kasalukuyang kinukumpleto nito ang proseso sa pagtukoy ng sahod, kung saan naisagawa na ang mga pampublikong konsultasyon pati na rin ang isang pampublikong pagdinig noong ika-7 ng Pebrero 2024.

Nasa 4.1 milyong minimum wage earners ang direktang nakinabang sa pagtaas ng sahod sa 15 rehiyon na naglabas ng wage order. Humigit-kumulang 8.1 milyong mga full-time wage at salary worker na kumikita ng higit sa minimum na sahod ang inaasahang makikinabang mula sa pagwawasto ng wage distortion. 

Naglabas ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng isang advisory sa pagwawasto ng wage distortion upang matiyak na sinusunod ng mga employer ang mga wage order sa patas na paraan. 

Mahigpit na binabantayan ng mga DOLE Regional Office ang pagpapatupad ng pagtaas ng minimum na sahod sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-teknikal at inspeksyon ng mga negosyo.

Batay sa socio-economic monitoring ng DOLE, walang negatibong epekto ang mga naganap na pagsasaayos sa minimum na sahod kamakailan, sa mga pangunahing macro-economic result tulad ng inflation, kawalan ng trabaho, at gross domestic product (GDP). 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights