Sa pagdiriwang ng Valentine’s Day o “Araw ng mga Puso” noong Miyerkyles, Pebrero 14, isinulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang isang hakbang upang maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga Pilipinong may sakit sa puso, sa pamamagitan ng pagtanggal ng value added tax (VAT) sa mga gamot na may kaugnayan sa paggamot ng cardiovascular diseases (CVDs) o ng mga karamdaman ng puso at mga ugat.
“Hindi biro ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Bukod sa karamdaman, talagang sakit din ito sa bulsa. Nakaka-highblood pa lalo ang malaking gastos sa kinakailangang operasyon, at ang mahal na gamot na pang-maintenance. Yung marami nga po sa may sakit, hindi na araw-araw ang pag-inom ng gamot, o hindi na talaga umiinom dahil walang pambili,” ani Lee.
Numero unong sanhi ng kamatayan ang cardiovascular diseases base sa pagkategorya ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ischemic heart disease ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa mula Enero hanggang Hulyo 2023, na may mahigit 65,000 kaso o 19% ng kabuuang bilang ng mga namatay sa bansa.
Gayundin, sa isang ulat ng PSA mula Enero hanggang Disyembre 2022, ang mga pagkamatay mula sa mga hypertensive na sakit ay accounted para sa 5.7% ng kabuuang mga fatalities sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill No.9924 o “VAT Exemption for Medicines Related to Cardiovascular Diseases Act”, maglalabas ang Department of Health (DOH) ng listahan ng lahat ng gamot at gamot na direktang may kaugnayan sa paggamot at regular na gamot ng mga cardiovascular diseases na magiging VAT free.
“Healthy heart, happy life. Gawin nating araw-araw ang Valentine’s Day para sa mga may sakit sa puso; bawasan natin ang kanilang mga alalahanin sa pamamagitan ng mas mura at abot-kayang mga gamot. Sa mas magaan na pasanin ng mga may sakit at ng kanilang pamilya, Winner Tayo Lahat,” dagdag pa ng mambabatas.
Nauna nang hinahangad ni Lee ang 30% na pagtaas sa lahat ng benepisyo at coverage ng PhilHealth, na inaprubahan ng Board of Directors ng state health insurer noong nakaraang buwan, at nakatakdang ipatupad noong Pebrero 14.
Bukod sa inaprubahan na 30% increase sa benepisyo ng ahensya para sa mga miyembro nito, isinusulong din ng solon ang full coverage sa cancer treatment, heart bypass surgery, at iba pang major hospital operations, gayundin ang epektibong pagpapatupad ng No Balance Billing.
Binigyang diin ng Bicolanong mambabatas na nagkakahalaga ng milyones ang mga paggamot sa nasabing karamdaman, habang nag aalok lamang ang PhilHealth coverage ng P150,000 hanggang P600,000 para sa buong kurso ng paggamot.
“Tinututukan po natin ito, hindi tayo hihinto sa 30% increase sa PhilHealth benefits na ipinaglaban natin. Because there are so many cases, na kahit doble ang itaas ng coverage, kakapusin pa rin sa pambayad ang mga miyembro,” saad pa ni Lee.
“Gusto nating dumating ang panahon na wala nang kailangang bayaran, ni isang kusing, ang mga may malubhang karamdaman at ang mga talagang nangangailangan,” pahayag pa ng solon. (LB)