INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian na ang mga isyu ng korapsyon ay nagdudulot ng pinsala sa reputasyon ng ilang electric cooperatives (EC) at dapat tiyakin aniya ng National Electrification Administration (NEA) ang integridad sa pamamahala ng mga EC.
“Ang mga isyu ng katiwalian na kinasasangkutan ng ilang EC ay nagiging sanhi ng pagkawala ng tiwala ng mga konsyumer sa mga electric cooperative. Ang ganitong sitwasyon ay may hindi magandang epekto sa operasyon ng ilang EC na nakakaapekto rin sa kapakanan ng mga konsyumer,” sabi ni Gatchalian.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng mga reklamo laban sa ilang executives ng EC na diumano’y nagpapayaman lamang sa kanilang mga sarili na kalaunan ay nagreresulta rin sa hindi maayos na serbisyo.
“Kailangang bantayan natin ang pamamahala ng mga electric coop dahil hindi matutugunan nang maayos ang pangangailangan sa kuryente ng ating mga kababayan hangga’t hindi nareresolba ang mga isyu ng korapsyon na kinasasangkutan ng ibang ECs,” diin ni Gatchalian. Sinabi niya na ang mga kooperatiba ay partikular na maaaring masangkot sa katiwalian dahil hindi sila sumasailalim sa audit ng gobyerno.
Binigyang-diin ng mambabatas na suportado niya ang hakbang na baguhin ang proseso ng categorization ng lahat ng mga EC, upang matiyak na ang mga power institution na ito ay pinamamahalaan nang maayos.
“Kailangang maging maayos ang pangangasiwa ng mga EC pagdating sa kanilang pinansyal na kalagayan dahil dito rin nakasalalay ang kanilang operasyon at ang pagbibigay ng kanilang serbisyo,” dagdag niya. (Nino Aclan)