TINIYAK ni Quezon City Rep. Marvin Rillo sa mga Pilipinong mag 100-taong gulang ngayong taon na sapat ang pondo para sa kanilang P100,000 centenarian gift.
“In the 2024 General Appropriations Law, the sum of P186 million has been earmarked for the tax-free cash gift of Filipino centenarians,” ani Rillo sa isang pahayag nitong Linggo.
“We, in Congress, are fully determined to keep up the annual funding for the gift, in recognition of Filipinos who have achieved healthy ageing and longevity,” dagdag pa ni Rillo, miyembro ng House Committee on Appropriations.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng regalo ngayong taon si dating Senate President at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, na 100 years old sa Miyerkules, Valentine’s Day.
Umabot na sa mahigit P1.2 bilyon ang ginastos ng Department of Social Welfare and Development para sa cash gift ng 12,186 centenarians mula noong 2017.
Sa kaso ng mga mamamayang Pilipino o dual citizens na nakatira sa ibang bansa, ang pagbibigay ng regalo ay kinukuha sa pamamagitan ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas.
Pinakauna ang cash grant sa lahat ng iba pang mga gantimpala o benepisyo na maaaring matanggap ng mga centenarians mula sa iba pang mga mapagkukunan, tulad ng kanilang mga lokal na pamahalaan.
Samantala, hinihintay ngayon ang lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang batas na naglalayong kilalanin at gantimpalaan ang mga Filipino octogenarians at nonagenarians.
Sa ilalim ng panukalang batas, makakatanggap ng one time cash gift na P10,000 ang mga matatandang Pilipino na aabot sa 80 taong gulang. Tatanggapin din nila ang one time gift na P10,000 kapag naabot na nila ang “milestones” ng 85 years old, 90 years old, at 95 years old.
Ayon sa pag-aaral ng World Bank, 71 taon o dalawang taon na mas mababa kaysa sa global average na 73 taon ang average na life expectancy sa Pilipinas. (LB)