Survey, nagpapakita na karamihan ng Pinoy ay hindi pabor sa operasyon ng POGO sa bansa —Gatchalian

KARAMIHAN  sa mga Pilipino ay hindi pabor na payagan ang Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO na manatili at mag-operate sa bansa batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia Research Inc., sabi ni Senador Win Gatchalian.

Ang survey, na isinagawa mula Disyembre 3 hanggang 7 noong nakaraang taon na may 1,200 respondents, ay nagpapahiwatig na 85% ng mga na-survey ay hindi pabor sa POGO operations sa bansa. Batay sa survey, 82% sa National Capital Region, 88% sa Balance Luzon, 93% sa Visayas, at 75% sa Mindanao ay hindi pabor sa POGO operations. Pagdating sa class, 87% ng nasa ABC class, 85% sa D class, at 84% sa E class ay tutol sa operasyon ng POGO sa bansa.

“Ito ay napakalaking ebidensya na napagtanto ng karamihan sa ating mga kababayan na ang POGO ay hindi maganda para sa atin at sinusuportahan nila ang pagwawakas ng operasyon ng industriya sa bansa,” sabi ni Gatchalian. Ipinakita ng survey na 6% lamang ng mga na-survey sa buong bansa ang pabor sa operasyon ng POGO.

Ang mga pangunahing dahilan na binanggit ng mga respondent para sa kanilang hindi pagpabor ay ang pagtaas ng insidente ng krimen na kinasasangkutan ng mga Chinese national (59%); paglaganap ng mga bisyo (56%); tumataas na bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa (48%); pag-iwas sa buwis na ginawa ng ilang POGO operator (39%); kakulangan ng oportunidad na ibinibigay sa mga Pilipino (34%); at pagtaas ng upa o halaga ng mga residential o business property (27%). Kasama sa iba pang mga kadahilanang binanggit ang isang paniniwala na ang pagsusugal ay laban sa Islam.

Nang tanungin kung paano dapat kumilos ang administrasyon ni Pangulong Marcos upang malutas ang isyu ng mga POGO sa bansa, ang mayorya ng mga na-survey o 87% ang nagsabi na dapat wakasan ng gobyerno ang operasyon ng POGO sa loob ng 3 buwan.

Isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa upang makatulong na labanan ang paglaganap ng transnational crimes at pagkalugi sa ekonomiya na dulot ng kanilang presensya. Ang panawagan ng mambabatas ay umani ng suporta mula sa mga pangunahing ahensya ng gobyerno, kabilang ang Philippine National Police, National Intelligence Coordinating Agency, at ang economic team.

Ang mga krimen na lumalaganap at nauugnay sa industriya ng POGO ay kinabibilangan ng prostitusyon, human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba’t ibang online frauds gaya ng mga iba’t ibang uri ng investment scam, cryptocurrency scam, at love scam.   (Nino Aclan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights