KAILANGANG unahin ng pamahalaan ang mga hakbang upang masakop ang mga gastusin sa pangangalagang pangkalusugan ng mga mamamayan.
Sinabi ni AGRI Pary-list Rep. Wilbert T. Lee na dapat itaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ibinibigay na benepisyo sa mga miyembro nito sa 30% mula sa dating 20%, matapos mapagalaman na halos lahat ng mga Pilipino ay nababahala sa mataas na gastos sa pangangalagang medikal.
Binigyang diin ng Bicolanong mambabatas na sa 2023 Manulife Asia Care Survey, halos kalahati (49%) ng mga na-survey ang nagsabing ang gastusin sa paggamot ay ang kanilang number one health management worry.
“Hindi naman nakakagulat ito. Sa mga ikot ko, sa Facebook ko, ang number one na hinihingi na tulong ng ating mga kababayan ay medical assistance,” pahayag ni Lee.
Natuklasan din umano ng survey na dapat kumbinsihin ang mga policymakers na unahin ang pangangalagang pangkalusugan, ayon kay Lee.
Sa mga na survey, 37 porsyento ang nagsabing nag aalala sila sa pagkawala ng kita o trabaho dahil sa sakit, habang halos lahat ng mga na survey ay nag aalala tungkol sa hindi bababa sa isang sakit, kabilang ang sakit sa puso, diabetes, at kanser.
“Kita natin dito na matindi talaga ang pangamba ng ating mga kababayan sa napakalaking gastusin sa pagpapagamot o pagpapa-ospital kapag may nagkasakit sa pamilya,” saad pa ng solon.
Sa pamamagitan ng sulat noong Oktubre, inirekomenda ng mambabatas sa PhilHealth ang 20% hanggang 30% na pagtaas sa lahat ng benefit packages at coverage na ibinigay ng ahensya.
“Our countrymen are afraid they will lose their jobs or go bankrupt if they get sick. Hindi mawawala ang takot na yan kung hindi tayo aaksyon,” ani Lee.
Nagpasa rin ng House Resolution No. 1407 si Lee na naghihikayat sa PhilHealth na i-update at itaas ang coverage na ibinibigay dahil sa hindi na aniya ito nakatutugon sa mga gastusin sa pagpapahospital ng mga benepisyaryo nito.
“Kailangan na itaas ang PhilHealth benefits. The sooner the better. Winner Tayo Lahat kung kampante ang ating mga kababayan na sasagutin ng gobyerno ang medical expenses nila kung sila’y magkasakit.” (RCD)