Depensa, Seguridad at Ekonomiya, Tampok sa State Visit ni PBBM sa Japan

Pangunahing tatalakayin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang usapin ng depensa, seguridad, maritime cooperation, enerhiya, at ekonomiya sa nakatakdang State Visit ng Pangulo sa Japan ngayong linggo, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Aalis si Pangulong Marcos kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos patungong Japan sa Martes para sa apat na araw na State Visit mula Mayo 26 hanggang 29 sa paanyaya ng pamahalaan ng Japan.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DFA Spokesperson Analyn Ratonel na mahalaga ang nasabing biyahe upang higit pang mapalalim ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.

“Napakahalaga po ng biyaheng ito sapagkat ito ang pagkakataon para makapag-usap si Pangulong Marcos at Prime Minister Sanae Takaichi tungkol sa kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng seguridad, maritime and defense, ekonomiya, energy resilience and decarbonization, at emerging and future-oriented sectors,” ani Ratonel.

Ayon pa sa DFA, inaasahan ding tatalakayin ng dalawang lider ang mga regional at global issues na nakaaapekto sa Pilipinas at Japan, kabilang ang mga usapin sa ASEAN, Indo-Pacific Region, at developments sa Middle East.

Magkakaroon din ng summit meeting ang dalawang lider kung saan pag-uusapan ang pagpapalawak ng kooperasyon sa depensa, kalakalan, pamumuhunan, at human resources, kabilang ang posibilidad ng mga bagong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Nakatakda ring makipagpulong si Pangulong Marcos sa mga Japanese business groups at sa Filipino community sa Japan bilang bahagi ng kanyang official engagements.

Sasalubungin naman sina Pangulong Marcos at First Lady Louise Araneta-Marcos ng Emperor at Empress ng Japan sa Imperial Palace para sa isang welcome ceremony at state call, na susundan ng state banquet bilang parangal sa Pangulo at sa Unang Ginang.

Magkakaroon din ng exchange of decorations sa pagitan ng dalawang panig sa kanilang pagpupulong.

Ngayong taon ay ginugunita ng Philippines at Japan ang ika-70 anibersaryo ng kanilang diplomatic relations. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights