Aktibong Partisipasyon ng Pribadong Sektor sa mga Pampublikong Paaralan Isinusulong

Kasabay ng pagbubukas ng School Year 2026–2027, muling isinusulong ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ang mas aktibong pakikilahok ng pribadong sektor sa pagpapalakas ng pampublikong edukasyon upang makatulong sa pagtugon sa mga hamon na kinahaharap ng sektor.

Nakapaloob ang panukala sa Adopt-A-School Act of 2025 o Senate Bill No. 54, na naglalayong hikayatin ang mga pribadong organisasyon at indibidwal—lokal man o dayuhan—na suportahan ang mga institusyong naghahatid ng early childhood education, basic education, technical-vocational education and training (TVET), higher education, at Alternative Learning System (ALS).

Sa ilalim ng panukala, bibigyang prayoridad ang mga paaralang nasa mga 4th at 5th class local government units (LGUs), gayundin ang mga lugar na nakararanas ng kakulangan sa pondo, limitadong pasilidad, at mataas na bilang ng mahihirap ngunit mahusay na mag-aaral.

Ayon sa panukalang batas, maaaring tumulong ang pribadong sektor sa pagsasanay ng mga guro, pagtatayo at pagpapaganda ng mga pasilidad sa paaralan, pag-upgrade ng mga kagamitang panturo, at iba pang programang makapagpapahusay sa kalidad ng edukasyon.

Kabilang sa mga nakalaang insentibo para sa mga kalahok sa programa ang karagdagang 50 porsiyentong tax deduction sa mga nagastos, dagdag na 20 porsiyentong deduction para sa pagkuha ng mga senior high school graduates, pagbibigay ng “naming rights,” at exemption sa import duties at buwis para sa mga kwalipikadong donasyon.

“Kapag nagtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor, mas mabilis nating maibibigay sa bawat bata ang oportunidad na makatanggap ng dekalidad na edukasyon,” ayon kay Gatchalian.

Naniniwala ang solon na sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor, mas mapapalawak ang access ng mga mag-aaral sa dekalidad na edukasyon at mas mapapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights