DA, Irerekomenda ang Pagpapalawig ng P50 Kada Kilo na Price Cap sa Bigas

Inihayag ng Malacañang na irerekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalawig ng P50 kada kilo na maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nakatakdang magtapos sa Hunyo 30.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinag-aaralan ng DA ang pagpapalawig ng price cap upang manatiling abot-kaya ng mga pamilya ang presyo ng bigas.

“Ang sabi po mismo ng DA, ay magre-rekomenda pa rin sila ng extension of the price cap. At ito naman ay titingnan natin kung sasang-ayunan ng National Price Coordinating Council at kung aaprubahan ng Pangulo. Pero magre-rekomenda sila ng extension of the price cap,” saad ni Castro.

Nilinaw ni Castro na wala pang pinal na desisyon dahil kailangan pa itong suriin ng Price Council bago isumite para sa pag-apruba ng Pangulo.

Kinumpirma rin ng Malacañang na may mga rice retailer na iniimbestigahan dahil sa umano’y hindi pagsunod sa ipinatutupad na price cap.

Ayon kay Castro, nagpadala na ang DA ng mga abiso sa ilang establisyimento habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“So, sa ngayon po ay iniimbestigahan po ito kaya hinihikayat natin ang ating mga kababayan na kung may nakikita kayong umaabuso patungkol sa presyo ng bigas, ipagbigay alam lamang po ninyo kahit sa amin dito at sa Department of Agriculture para po ito ay maimbestigahan at mapanagot na ang dapat managot,” aniya.

Hinimok din ng Malacañang ang publiko na tumulong sa pagbabantay at pag-uulat ng mga paglabag sa itinakdang presyo ng bigas. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights