Gatchalian, Muling Isinusulong ang P1,500 Buwanang Subsidya para sa Minimum Wage Earners

Muling nanawagan si Senador Win Gatchalian para sa pagbibigay ng P1,500 buwanang subsidiya sa tinatayang limang milyong minimum wage earners sa gitna ng patuloy na mataas na inflation at mabagal na paglago ng ekonomiya.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ng agarang suporta para sa mga manggagawang lubhang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

“Baka makalimutan natin, nasa krisis pa rin ang bansa sa gitna ng lahat ng ingay sa politika. Ang ating mamamayan, partikular ang mga bulnerableng sektor, ay nagdurusa sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at nangangailangan ng kaunting pahinga,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin ng senador na malaki ang ibinaba ng purchasing power ng mga Pilipino dahil sa 7.2% inflation rate.

Ipinaliwanag niya na kung gagamiting batayan ang halagang P1,000 noong 2018, ang purchasing power nito ay bumaba na lamang sa P732.60 mula P775.80 para sa pangkalahatang populasyon, habang nasa P715.82 na lamang mula P773.40 para sa pinakamahirap na 30 porsyento ng populasyon.

Ayon pa kay Gatchalian, hindi lamang makatutulong ang subsidiya upang maibsan ang gastusin ng mga minimum wage earners kundi makapagpapalakas din ito ng lokal na konsumo na mahalaga sa paglago ng ekonomiya.

“Malaking bahagi ng sweldo ng mga minimum wage workers ang napupunta sa pang-araw-araw na gastusin kagaya ng pagkain at pamasahe. Kailangan natin silang tulungang malagpasan ang krisis na patuloy na hinaharap,” dagdag pa niya.

Ang panukalang P1,500 buwanang subsidiya ay kabilang sa mga rekomendasyon ng Senate PROTECT ad hoc panel.

Kapag naaprubahan, tinatayang aabot sa P7.5 bilyon kada buwan ang kakailanganing pondo ng pamahalaan para sa implementasyon ng subsidiya. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights