Legarda, ikinainit ng ulo ang pagliban ng DOE chief sa Senate hearing

Hindi naitago ni Senadora Loren Legarda ang kanyang pagkadismaya at pag-init ng ulo matapos hindi dumalo si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin sa unang pagdinig ng Senado kaugnay ng contingency plan ng pamahalaan sa epekto ng krisis sa Middle East, dahil umano sa “busy schedule.”

Isinagawa ang pagdinig ng Senate ad hoc Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) nitong Martes, Marso 24, 2026, kung saan kapansin-pansin ang pagliban ng DOE chief, isang bagay na ikinadismaya rin ni Senador Francis Pangilinan.

Ayon kay PROTECT Committee Chairman Sherwin Gatchalian, ipinaabot sa kanya na abala umano si Garin kaya hindi ito agad nakadalo.

Dahil dito, hiniling ni Legarda sa kinatawan ng DOE na ipabatid sa kalihim na dumalo pa rin kahit mahuli, dahil maghapon naman ang pagdinig. Sa huli, dumating din si Garin bandang hapon.

Pinuna ni Legarda na nakadalo naman ang ibang opisyal, kabilang si Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, kaya’t hindi niya maintindihan kung bakit wala ang DOE chief.

“If the SFA is here, why aren’t the others? Are you too busy? Isn’t this the most important matter?” ani Legarda.

Iginiit pa ng senadora na hindi dapat ma-exempt si Garin sa pagdinig lalo na’t mahalaga ang usapin.

“Pag kayo ay humihingi ng mga budget ninyo, maski overnight, nandyan kayo. Pero pag crisis action plan, marami kayong dahilan. The Senate will not allow that,” ani pa niya.

Hindi rin nagustuhan ni Legarda ang paliwanag ni DOE Undersecretary Alessandro Sales hinggil sa hindi paggamit ng supplemental budget para sa Philippine National Oil Company (PNOC), na aniya’y dahil “on break” umano ang Kongreso.

“Excuse me, hindi po nagbe-break ang Senado na hindi inaaksyunan ang hinihiling ng executive,” giit ni Legarda, sabay banggit sa mabilis na pagpasa ng batas na nagbibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.

“Nung napasa namin, sinabi ‘we will see..’ Ano ba… kailangan ba o hindi.. Tapos ‘pagka-pasa namin ‘we will see,” dagdag pa niya.

Pinuna rin ng senadora ang umano’y hindi patas na pahayag na tila sinisisi ang Senado sa pagkaantala ng paggamit ng pondo ng PNOC.

“Hindi po magandang pakinggan ‘yan. Hindi po magbe-brake ang Senado kung sinabi nyong kailangan ng Congressional approval ang paggamit ng PNOC ng kanilang pondo,” aniya.

Sa kabila nito, iginiit ni Gatchalian na kahit naka-break ang Senado, maaari itong magpatawag ng special session upang agarang matugunan ang mahahalagang usapin, kabilang ang posibleng krisis sa suplay ng enerhiya. (Niño Aclan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights