Goitia: Paulit-ulit na Ingay na Walang Ebidensya

Naglabas muli si dating kongresista Zaldy Co ng panibagong video kung saan muling idinadawit niya si First Lady Liza Araneta Marcos at ang kapatid nito sa umano’y rice at onion cartel. Sa pagkakataong ito, pinalawak pa niya ang alegasyon at isinama na rin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.

Ngunit gaya ng dati, nabigo si Co na magharap ng anumang ebidensya. Mabilis namang itinuro ng mga opisyal ang mga butas at hindi pagkakatugma sa kanyang mga pahayag.

Para kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga paratang ni Co ay “total baloney” at “script pang-Netflix.” Nilinaw niyang ang tanging bahagi ng pahayag ni Co na tumutugma sa realidad ay ang usapin sa pagbaba ng rice import tariff — isang matagal nang tinitingnang mungkahi ng iba’t ibang opisyal, at hindi eksklusibong ideya ni Co. Aniya, zero tariff ang rekomendasyon ni Co, hindi 15 percent. Mariin din niyang itinanggi ang anumang manipulasyon o pagkakasangkot ng pamilya ng First Lady, at idiniing “definitely baloney” ang lahat ng alegasyon tungkol sa bigas, sibuyas, isda, at asukal.

Bagong Paratang Laban sa First Family

Sa kanyang video, iginiit din ni Co na umano’y “nag-utos” si Sandro Marcos ng humigit-kumulang ₱51 bilyon na budget insertions mula 2023 hanggang 2025 — isang alegasyong binansagan ni Sandro bilang “kasinungalingan” at bahagi umano ng destabilization efforts.

Naglahad din si Co ng panibagong kuwento tungkol sa umano’y buwanang remittance na hinihingi raw ni dating Speaker Martin Romualdez, ngunit muli, wala siyang iniharap na dokumento, mensahe, petsa, o anumang patunay.“

“Ang paratang na walang ebidensya ay hindi whistleblowing. Ito ay panlilinlang, at nagiging delikado kapag binibigyan ang publiko ng maling impormasyon,” ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia:

Pagtutol mula sa Pangulo at sa Kongreso

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinangka umano siyang i-blackmail ni Co.

“I do not negotiate with criminals,” mariin niyang pahayag.

Sa Kongreso, matindi ring binatikos ng mga lider ang mga paratang ni Co. Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Majority Leader Sandro Marcos na si Co “ay walang kredibilidad at nagtatangkang guluhin ang pamahalaan,” at binigyang-diin na ang pagpapakalat ng kasinungalingan mula sa ibang bansa ay “hindi magpapalitaw ng katotohanan.”

Tinawag pa niya si Co na “isang kriminal na umiiwas sa pananagutan — hindi isang crusader.”

“Kung tunay ang hawak mong katotohanan, humaharap ka sa batas. Huwag kang maglabas ng video mula sa’yong pinagtataguan,”dagdag ni Goitia.

Kwento na Paulit-ulit Nagbabago

Sa mga nauna niyang pahayag, nag-iba-iba si Co—minsan sinasabing siya ang naghatid ng pera, minsan naman itinatangging siya ay tumanggap. Ngayon, may panibago na naman siyang idinadawit na pangalan, ngunit hanggang ngayon ay hindi makapaglabas ng dokumento, petsa, mensahe, o anumang rekord na susuporta sa kanyang mga alegasyon.

“Kapag pabago-bago ang kwento pero hindi lumalabas ang ebidensya, gumu-guho ang kredibilidad,”wika ni Goitia.

Katotohanan ang Kailangan, Hindi Drama

Hanggang ngayon, wala pa ring naipapakitang dokumento, direktiba, mensahe, o saksi si Co. Habang mas nagiging dramatiko ang kanyang mga video, hindi naman tumitibay ang kanyang mga paratang.

“Ang katotohanan ay hindi umiiwas sa pagsusuri. Hangga’walang inilalahad na ebidensya sa ilalim ng panunumpa, kwento lamang ang mga ito — hindi katotohanan,”saad pa ni Goitia.

Dahil sa kawalan ng konkretong pruweba at sa salungat na mga opisyal na pahayag, nauuwi rin ang panibagong akusasyon ni Co sa parehong konklusyon: “Ingay na walang ebidensya.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD); People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER); Liga Independencia Pilipinas (LIPI); Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement- kung saan isinusulong niya ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights