Halos 5 milyong food packs nakahanda sa disaster stockpile ng gobyerno

Tinatayang halos limang milyong family food packs at mahigit 245,000 non-food relief items ang nakahanda sa mga bodega ng gobyerno sa buong bansa para sa agarang pamamahagi sa mga komunidad na apektado ng bagyo, Habagat at iba pang kalamidad.

Sa Palace press briefing nitong Lunes, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na patuloy na dinaragdagan ng pamahalaan ang disaster stockpile alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maagang mag-preposition ng relief supplies bago ang mga bagyo, lindol, pagputok ng bulkan at iba pang sakuna.

Ayon kay Gatchalian, nasa halos limang milyong family food packs ang nakaimbak sa humigit-kumulang 1,000 bodega ng DSWD sa buong bansa hanggang Agosto 9.

“This (five million) is the largest stockpile the country has had since we started implementing this system,” ani Gatchalian.

Bukod dito, nasa 245,474 non-food items ang naka-standby para sa agarang pagpapadala sa mga lugar na nangangailangan.

Layunin ng prepositioning na mapabilis ang pagdating ng tulong sa mga pamilyang sinalanta ng kalamidad, bukod pa sa financial assistance na ibinibigay sa mga biktima.

“Sa ngayon, nakapag-release na tayo ng 54,370 family food packs. Inaasahan nating madaragdagan pa ito dahil pinoproseso natin ang mga request ng mga local government unit para sa augmentation,” pahayag ni Gatchalian.

Sinabi rin ng kalihim na nakapagproseso na ang DSWD ng halos ₱1 milyon na financial assistance, partikular para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa landslide sa Cordillera. / (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights