Itinuturing ng Malacañang na magandang balita ang patuloy na pagbagal ng inflation nitong Hulyo, ngunit tiniyak na nananatiling magbabantay ang Administrasyong Marcos sa mga hamon na patuloy na nagbabanta sa seguridad sa pagkain at enerhiya sa bansa.
Sa isang pahayag ng Palasyo na pinalabas ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bumagal pa ang headline inflation sa 6.2 percent nitong Hulyo 2026 mula sa 6.4 porsiyento noong Hunyo.
Pangunahing dahilan nito ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga produktong hindi pagkain, habang nanatiling matatag ang food inflation.
Ayon sa pahayag ng Malacañang, “Magandang balita ang mga positibong pagbabagong ito, ngunit nananatili nakamonitor ang administrasyon dahil nandyan pa rin tensyon sa pulitika sa Gitnang Silangan, at ang epekto ng El Niño ay patuloy na nagbabanta sa presyo ng pagkain at enerhiya.”
“Kaya naman patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang mga tiyak na hakbang upang protektahan ang mga pamilyang Pilipino at panatilihing abot-kaya ang mga bilihin,” dagdag ng pahayag.
Sinabi pa ng Palasyo na mas nagiging manageable na ang gastos sa transportasyon dahil humina ang pressure sa presyo ng krudo. Bumagal ang inflation sa diesel at gasolina kasunod ng pagbaba ng pandaigdigang presyo ng langis, na nakatulong upang mapigil ang pagtaas ng gastos sa transportasyon.
Gayunman, binigyang-diin ng Malacañang na hindi ito nangangahulugan ng pagluwag sa pagbabantay at patuloy pa rin na magmomonitor para lalo na są epekto ng nangyayaring geopolitical tension sa Middle East.
Tuloy-tuloy din, ani ng Palasyo, ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dagdag pa ng Malacañang, nananatili ang layunin ng administrasyon na mapababa ang araw-araw na gastusin ng mga mamamayan, palakasin ang seguridad sa pagkain at enerhiya, mapangalagaan ang kakayahang bumili ng bawat pamilyang Pilipino, at mapanatili ang paglago ng ekonomiya na mararamdaman sa bawat tahanan.
‘Kaya naman patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang mga tiyak na hakbang upang protektahan ang mga pamilyang Pilipino at panatilihing abot-kaya ang mga bilihin. Malawakan pa rin ang ating layunin: pababaan ang gastusin sa araw-araw, patibayin ang seguridad sa pagkain at enerhiya, protektahan ang kakayahang bumili ng mga pamilyang Pilipino, at panatilihin ang paglago ng ekonomiya na pakikinabangan ng bawat tahanan,” dagdag ng Palasyo. | *PND*
