Opisyal, kinondena ang pahayag na "failed state" ang Pilipinas

Mariing kinondena ng isang opisyal ang pahayag ng political vlogger na si Jun Abines na tumawag sa Pilipinas bilang isang “failed state” at inilarawan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bilang mga “mercenaryong nagsisilbi sa mga kriminal.”

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang naturang pahayag ay hindi lamang mali kundi isang malaking insulto sa libu-libong sundalo at pulis na araw-araw na nagsasakripisyo upang ipagtanggol ang bansa at paglingkuran ang mamamayan.

“Karapatan ng bawat Pilipino ang punahin ang pamahalaan. Iyan ang demokrasya. Pero ang husgahan ang buong AFP at PNP dahil sa kasalanan ng iilan ay hindi katarungan. Sila ang nagbabantay sa ating soberanya, tumutulong sa oras ng kalamidad, at nagsasakripisyo upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” pahayag ni Goitia.

Iginiit niya na maling bansagan ang Pilipinas bilang isang “failed state” dahil ang ganitong estado ay tumutukoy sa isang bansang hindi na gumagana ang pamahalaan, hindi naipatutupad ang batas, at hindi na nagagampanan ang pangunahing tungkulin nito—isang paglalarawang aniya ay malayong-malayo sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.

Binigyang-diin ni Goitia na nananatiling matatag ang mga demokratikong institusyon ng Pilipinas, patuloy ang pag-unlad ng ekonomiya, at ginagampanan ng AFP at PNP ang kanilang mandato sa pangangalaga ng seguridad at soberanya ng bansa. Aniya, isinusulong din ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang modernisasyon ng AFP, pagpapalakas ng seguridad sa karagatan, pagpapalawak ng ugnayang pangdepensa, at iba pang repormang nagpapatibay sa kakayahan ng estado.

“Hindi perpekto ang Pilipinas. Marami pa tayong kailangang ayusin. Pero ang sagot ay hindi ang tawagin itong isang failed state. Ang kailangan ng bansa ay responsableng pagpuna, tunay na reporma, at pagkakaisa sa paghahanap ng mga solusyong magpapalakas sa ating Republika,” dagdag niya.

Ayon pa kay Goitia, ang tunay na patriotismo ay nakabatay sa katotohanan at pananagutan, hindi sa mapanlahat na akusasyon. Aniya, mas uunlad ang bansa kung ang pagpuna ay magiging responsable at nakatuon sa paghahanap ng mga solusyon na magpapalakas sa mga institusyong nagsisilbi sa mamamayan.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). (BONG SON)

Verified by MonsterInsights