Pinuri ng Malacañang nitong Martes ang Bureau of Customs (BOC) matapos makapagtala ng pinakamataas na buwanang koleksyon na halos PhP95.85 bilyon noong Hulyo, na lumampas pa sa itinakdang target para sa buwan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sumasalamin lang ang tagumpay ng BOC sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang paglago ng ekonomiya at palakasin ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
“Sa pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno, nakamit ng Bureau of Customs ang pinakamataas na buwanang koleksyon nitong July na umabot sa PhP95.848 billion,” ani Castro.
“Ayon sa BOC, ito rin ang highest January-to-July revenue collections base sa preliminary data ng kawanihan,” dagdag ni Castro.
Lumampas ang koleksyon ng BOC noong Hulyo sa target nitong PhP91.526 bilyon mas mataas din ito kumpara sa PhP81.18 bilyon na nakolekta sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Sinabi ni Castro na patunay ang record na koleksyon ng mas pinaigting na hakbang ng BOC sa pangongolekta ng kita ng pamahalaan upang matustusan ang mga prayoridad na programa at serbisyo.
“Malaki ang parteng ginagampanan ng epektibong revenue collection sa kapakanan ng bawat Pilipino. Dahil bawat piso na nakokolekta ay napupunta sa priority programs and projects ng pamahalaan—mga proyektong may direktang benepisyo sa taong-bayan,” pahayag pa ni Castro.
Idinagdag ni Castro na ang mga nakokolektang kita ng pamahalaan ang nagsisilbing pondo para sa mahahalagang imprastraktura at serbisyong pampubliko, kabilang ang mga ospital, paaralan, kalsada at tulay, gayundin ang mga social welfare program at pagtugon sa mga sakuna.
“Kaya naman tulungan natin ang ating mga ahensya gaya ng BOC upang labanan ang mga smugglers at ibang gumagawa ng iligal para protektahan ang interes ng bayan,” pagtatapos ni Castro. | *PND*
