Nangangamba si Senate President Alan Peter Cayetano na posibleng mabaluktot ang mga patakaran sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y magkakaibang interpretasyon ng voting standards ng grupo ni Senador Sherwin Gatchalian.
Inihayag ito ni Cayetano noong Biyernes matapos kumpirmahin ni Gatchalian sa isang Facebook post na kinakailangan ang 16 na boto upang mahatulan o ma-convict ang Bise Presidente sa impeachment trial.
Ayon kay Gatchalian, ang two-thirds vote “of all the Members of the Senate” na itinatadhana ng Konstitusyon ang kinakailangan para sa conviction. Aniya, katumbas ito ng 16 na boto dahil nananatiling “fixed” sa 24 ang bilang ng mga miyembro ng Senado.
Gayunman, sinabi ni Cayetano na taliwas ito sa naging paliwanag ng kampo ni Gatchalian kaugnay ng umano’y 12 boto na naging batayan sa kanyang pagkakahalal bilang Senate President Pro Tempore. Sa ilalim ng Rule II ng Senate Rules, majority vote “of all its members” ang kinakailangan. Kung ibabatay sa 24 na miyembro ng Senado, ang majority vote ay katumbas ng 13 boto at hindi 12.
“Instinct ko sana purihin si Senator Win Gatchalian n’ung sinabi niyang 16 talaga y’ung kailangan para ma-convict ang impeachable officer,” ani Cayetano sa isang livestream.
“Sinabi din nila [dati] paulit-ulit na kung wala kayong 13, hindi n’yo pwedeng palitan y’ung officers – the head of OSAA, the Senate Secretary, Senate President Pro Tempore, and the Senate President,” dagdag niya. “Pero gumawa sila ng formula na pwede na ang 12.”
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na mahirap umanong magtiwala na magiging pare-pareho ang magiging interpretasyon ng grupo ni Gatchalian sa mga patakaran ng impeachment trial.
“Are we going to really have an impartial trial, or aayusin at luto na? Are we going to tell [people] the truth na dapat 16 to convict, or babawasan ba ng anim na senador para maging 12 na lang?” tanong niya.
Binigyang-diin ni Cayetano na nararapat lamang na maging patas at naaayon sa Konstitusyon at Senate Rules ang anumang impeachment proceedings.
“We’re fighting for truth — na lumabas ang buong katotohanan, maging sa impeachment ‘yan, Blue Ribbon Committee, sa leadership sa Senado,” aniya.
“We’re fighting na maging independent ang Senado at hindi utus-utusan lang ng Malacañang. We’re fighting na mawala ang corruption at poverty sa ating bansa,” dagdag pa niya. (Nino Aclan)
