Nakatanggap nitong Huwebes ang mga residente ng Pampanga ng ayudang bigas, suportang pang-edukasyon, at tulong mula sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program at Bawat Bayan Makikinabang initiative ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bahagi ang mga programang ito ng layunin ng administrasyon na direktang mailapit sa mga komunidad ang serbisyo at ayuda ng pamahalaan upang matulungan ang mga sektor na higit na naaapektuhan ng hirap ng ekonomiya.
Sa kanyang talumpati sa rollout ng mga programa sa Clark Civil Aviation Complex sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang hangarin ng administrasyon na masigurong walang Pilipinong magugutom.
“‘Yung pangarap ko po para sa Pilipinas ay masabi natin na walang gutom na Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program, tumanggap ang mga benepisyaryo ng paunang 10 kilo ng dekalidad na bigas na ipamamahagi kada dalawang buwan sa loob ng isang taon upang makatulong sa gastusin ng pamilya at mapatatag ang food security sa mga komunidad.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga katutubo, solo parents, cancer at dialysis patients, farm workers, persons with disabilities, kasambahay, at mga low-income individuals.
Ang mga ipinamigay na bigas ay direktang binili rin mula sa mga magsasaka ng Pampanga.
Samantala, sa patuloy na pagpapatupad ng Bawat Bayan Makikinabang initiative sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pinagkalooban ang daan-daang barangay sa Pampanga ng tig-PhP200,000 para sa iba’t ibang proyektong pangkomunidad at pang-edukasyon.
Sa kabuuang halaga, PhP100,000 ang ilalaan para sa mga prayoridad na proyekto ng barangay gaya ng administrative at office equipment, streetlighting, at disaster risk reduction and management.
Ang natitirang Php100,000 ay gagamitin bilang tulong-pinansyal para sa limang graduating students sa bawat barangay na kapos sa pinansyal, kung saan makatatanggap ang bawat isa ng Php20,000 upang makatulong sa pagtatapos ng kanilang pag-aaral at pag-abot sa mas magandang kinabukasan.
Sa kanyang mensahe sa mga Presidential scholars, hinikayat ng Pangulo ang mga estudyante na magsikap sa pag-aaral at samantalahin ang mga oportunidad na ibinibigay sa kanila, habang binibigyang-halaga ang edukasyon bilang susi sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at pagbuti ng kalidad ng buhay.
“Mag-aral kayo nang mabuti para mayroon kayong magandang training na makukuha,” wika ng Pangulo.
“Education is the most valuable gift anybody can give to you because it is something na hindi ‘yan malulusaw, hindi mababawasan, hindi puwedeng nakawin, hindi puwedeng agawin sa inyo. And it will help you for the rest of your life,” dagdag pa ng Pangulo.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mas mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
“Pagka mayroon kayong kailangan, pagka mayroon kayong nakita na hindi tama o may naisip kayong magandang puwedeng gawin, sabihan niyo po kami at kagaya ng sabi ko, hangga’t kaya naming gawin basta’t maliwanag na nakakatulong sa taumbayan gagawin po ng inyong gobyerno. Hindi po kayo iniiwan. Hindi po kayo nalilimutan,” pahayag ng Pangulo.
Sa naturang aktibidad, pinangunahan din ng Pangulo ang turnover ng PhP6.6 milyong tseke para sa Angeles City sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) at Php101 milyon para sa lalawigan ng Pampanga sa ilalim ng Socio-Civic Project Fund (SCPF). | PND
